"Friedrich Palacol ng Sampaloc, Manila" ang alias na ginamit ni Jhong Hilario nang sumali siya sa Tawag ng Tanghalan ng It’s Showtime nitong Sabado ng tanghali, June 4, 2022.
Ito ang hudyat ng kanyang pagbabalik sa noontime program ng Kapamilya Channel.

Mahigit isang taong hindi napanood si Jhong sa It’s Showtime mula nang magpaalam siya noong April 2021 para sa kapakanan ng kanyang bagong silang na anak dahil sa tumataas na bilang noon ng mga kaso ng coronavirus sa Pilipinas.
“Ako, kung sa kakayanin ko, kakayanin ko. Kahit nag-pandemic, nag-Showtime ako, nag-YFSF [Your Face Sounds Familiar]. Kung ako, okay lang.
“Pero paano pag ang anak ko, wala siyang kalaban-laban, matatamaan at maaapektuhan. Hindi ko iri-risk ang buhay ng anak ko dahil sa trabaho,” katuwiran ni Jhong, na naging ganap na ama noong March 27, 2021.
Read: Jhong Hilario, hindi muna mapapanood sa It's Showtime pag bumalik ito sa ere
Hindi agad nakilala si Jhong ng mga co-host niya sa It’s Showtime nang magpanggap siyang isa sa mga contestant ng Tawag Ng Tanghalan.
Kasama niya ang mga contender na sina Kyle Pasajol at Alyssa Del Sol, at nagpagalingan sila sa pagkanta ng "Kahit Maputi Na ang Buhok Ko."

Naglagay si Jhong ng balbas, gumamit ng scarf, binago niya ang kanyang paglalakad, at nagsuot ng salamin at sombrero habang kumakanta siya.

Gulat na gulat ang lahat ng mga host ng It’s Showtime nang makilala nila si Jhong at nang mag-alis ito ng “disguise.”
Reaksiyon ni Kim Chiu, “Kami ni Ate Anne [Curtis], sabi namin, 'Kamukha ni Thou [Reyes] yung isa, o.' Tawa kami nang tawa. Sabi namin, 'Uy, hindi kaya si Kuya Jhong ‘yan? Ay, hindi.' Tawa-tawa kami.”
Sabi naman ni Vhong Navarro, “Sinasabi niya, hindi ko raw nakilala, kasi alam ko si Jhong, nasa out of town kaya akala ko, hindi siya pupunta.”
Hindi naman kaagad nakapagsalita si Vice Ganda na iyak nang iyak dahil sa sobrang pagkabigla.

Biro ni Jhong kay Vice, “Alam mo, iyak din ako nang iyak, e, kasi hindi mo ako sinasagot sa messages ko.”
Dagdag niya, “Sabi ko naman sa management, kailangan ko lang mag-oath taking, manumpa. Kasi hindi pa ako siguradong konsehal kapag hindi ako sumumpa, e. So, nakasumpa na ako nung June 1.”
Muling nahalal na number one councilor ng unang distrito ng Makati City noong May 9, 2022.
Tinanong si Jhong kung ngayong Sabado na ang simula ng araw-araw na mapapanood siya muli sa It’s Showtime.
Sagot niya, “Siyempre naman. Na-miss ko kayo, guys.
"Sabi ko nga, mag-o-oath taking lang ako.
"Pero siyempre, alam mo naman, bilang ina, bilang ama, baby steps.”
Ikinatawa ito ng kanyang mga co-host sa It’s Showtime dahil si Anne ang unang gumamit ng salitang "baby steps" nang magbalik ito sa kanilang programa noong nakaraang Sabado, May 28, makaraan ang mahigit sa dalawang taong pamamahinga.
Read: Anne Curtis, Take 2 sa prod number sa kanyang pagbabalik sa It's Showtime