Si Vice Ganda ang pinakaapektado sa sorpresa na pagbabalik ni Jhong Hilario sa It’s Showtime nitong Sabado ng hapon, June 4, 2022.
Read: Jhong Hilario, sinorpresa ang It's Showtime co-hosts sa kanyang pagbabalik
Nakunan ng mga kamera ang iba’t ibang klase ng kanyang emosyon — ang pagkagulat, pagkatulala, at pag-iyak — nang makita ang co-host na mahigit isang taong hindi napanood sa kanilang noontime program sa Kapamilya Channel.
Isang mahigpit na yakap ang ibinigay ni Vice kay Jhong.
Nang mahimasmasan siya, ipinaliwanag ni Vice ang dahilan ng kanyang inasal at kawalan ng sasabihin.
“Kaya ako natatahimik, talagang sobra akong nabigla. Sorpresang-sorpresa talaga ako. Ang saya-saya ko.
"I have long been waiting for this moment to happen. To have you my OG [original] Showtime family and my new Showtime family together,” sabi ni Vice.
Patuloy niya, “I have long been waiting for this kasi we have been trying so much. We have been working so hard every day to give what the madlang people needs.
“Kung ano yung gusto ng madlang people, lahat kami dito tulong-tulong.
“Ako, personal, gusto kong ibigay lahat kung ano yung gusto nilang mapanood, makita.
"Pero kahit anong gawin ko, kahit anong gawin namin, gusto nila yung kumpleto tayo.
"At ang sakit-sakit sa puso mo kasi for the longest time, hindi ko alam kung kailan ko yun ibibigay sa kanila. Kung kailan ko ibibigay sa kanila yung kumpletong Showtime family.
"Na alam kong kahit galingan ko nang galingan, magta-tumbling ako, I can never be enough because the best is when we are complete.
“We are the best when we are complete, when we are together all time. Yun ang inaantay nila, ang magsama-sama tayo.
"Kaya ang tagal ko nang inaantay ito, ipinagdadasal, hinihiling, hinihingi sa Diyos at sa management,” litanya ni Vice na pigil ang muling pag-iyak pero nababasag ang kanyang boses habang nagsasalita.
Ikinuwento ni Vice ang napag-usapan nila ng management tungkol sa kanyang hiling na pabalikin na sina Jhong at Anne Curtis bilang mga host ng It’s Showtime.
“Kailan lang kami nag-usap, two days ago, hiling ako nang hiling at ang lagi kong hinihiling, kayo. Kayo ni Anne talaga.
“Ang saya ng puso ko, para akong gago ngayon na hindi ko maintindihan ang nararamdaman. Siguro, dala ng pandemya.
"Minsan naguguluhan ako sa emosyon ko pero ang saya-saya ko. Gusto kitang murahin...” pahayag ni Vice sa isa mga pinakamadamdaming tagpo na napanood sa live broadcast ng It’s Showtime.