Sa kauna-unahang pagkakataon, nagpunta si Ai-Ai delas Alas sa isang mall sa Quezon City ilang linggo matapos siyang ideklarang persona non grata ng Quezon City Council, noong June 7, 2022, dahil sa diumano’y paglapastangan nila ng direktor na si Darryl Yap sa official seal ng lungsod.
Read: Quezon City Council approves resolution declaring Ai-Ai delas Alas, Darryl Yap persona non grata
Kasamang nagpunta ni Ai-Ai sa Quezon City mall ngayong Martes ng hapon, June 21, ang kanyang anak na si Seth Andrei at ang kanilang pet dog na si Sailor. Ipinasyal ng Comedy Queen ang dalawa bago siya bumalik sa Amerika.
Sinabi ni Ai-Ai na kahit idineklara siyang persona non grata sa siyudad na tinitirhan niya—na tinagurian pa namang City of Stars pero unwelcome siya, ayon sa isang outgoing Quezon City councilor—walang kaba o takot na umiral sa kanya habang nag-iikot sila sa mall.
“Hindi ako nag-alala o natakot dahil alam ko namang wala akong nilabag na batas sa Quezon City.
“Bata pa lang ako, taga-Quezon City na ako at saka hindi naman lahat ng tao rito, hindi ako welcome.
“Hindi ako welcome sa mga taga-City Hall na nagpasa ng resolution na ideklara kami ni Direk Darryl na persona non grata, pero yung mga tao sa Quezon City, welcome ako sa kanila."
Kuwento pa ng Raising Mamay star, “Sabi nga nung isang mommy na nakasalubong ko, 'Naku, Ai-Ai, palagi kitang pinapanood sa TV tuwing hapon, pa-picture naman.’
“Na-touched nga ako dahil marami ang nagpa-picture na kasama ako.
“Dun sa isang restaurant, nag-video pa yung staff. Ang sabi nila, ‘Welcome back, Ma’am Ai-Ai!’ kaya hindi ko naramdamang persona non grata ako sa Quezon City.”
Hindi lamang ang pagpunta nila ng kanyang anak sa mall ang ikinuwento ni Ai-Ai dahil ipinaabot nito ang pasasalamat sa lahat ng mga tumatangkilik sa Raising Mamay, ang afternoon drama series ng GMA-7 na pinagbibidahan niya.
Masayang ibinalita ni Ai-Ai na extended ang Raising Mamay dahil sa mataas na ratings nito kaya naniniwala siyang hindi nakaapekto sa kanilang programa ang kontrobersiya na kanyang kinasangkutan at ito ang lubos na ipinagpapasalamat niya sa Panginoong Diyos.