Tiyak na ang pagwawakas ng FPJ's Ang Probinsyano sa susunod na buwan, Hulyo, makalipas ang halos pitong taong pamamayagpag sa telebisyon.
Ang karakter ng yumaong veteran actress na si Susan Roces bilang Lola Flora ang isa sa mga importanteng tauhan sa sikat na action-drama series ni Coco Martin.
Kahit nasa kabilang-buhay na, bibigyan pa rin siya ng pagpapahalaga sa huling kabanata ng Ang Probinsyano na hindi dapat palampasin ng manonood.
Magkakaroon ng closure ang partisipasyon ni Susan sa primetime series ng Kapamilya network na gumawa ng kasaysayan dahil ito ang action-drama program sa Pilipinas na pinakamatagal na napanood sa telebisyon.
Pumanaw ang tinaguriang Queen of Philippine Movies, sa edad na 80, noong May 20, 2022.
Gugunitain sa July 28 ang 81st birth anniversary ni Susan kaya "fitting tribute" sa kanya ang desisyon ng production staff na isali ang mga eksena ng namayapang aktres at bigyan ng magandang katapusan ang pagpapaalam ng karakter niya sa Ang Probinsyano.
Bukas, June 28, ang ika-apatnapung (40) araw ng kamatayan ni Susan at isang banal na misa sa pamamagitan ng Zoom ang idaraos.
Natapos na ang pag-aayos sa puntod ni Susan sa Manila North Cemetery dahil pinag-isa na lamang ang nitso nila ng kanyang asawa na si Fernando Poe Jr. kaya talagang masasabing magkasama na sila.
Nakasulat sa lapida ng pinagsamang nitso nina Susan at FPJ ang mga salitang “Lagi Kayong Nasa Aming Puso at Alaala...”

Hindi nawawalan ng mga dumadalaw ang libingan sa Manila North Cemetry ng King and Queen of Philippine Movies dahil sa mga tagahangang pinahahalagahan ang mga kontribusyon nila sa industriya ng pelikulang Pilipino, isang patunay na buhay na buhay ang mga alaala nina Susan at FPJ.