Sigurado na ang pagbubukas ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) sa September 2022 at ito ang kinumpirma ni Willie Revillame sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ngayong Sabado, July 2, 2022.
“AMBS will be on air by September,” ang pahayag ni Willie tungkol sa bagong television network na lilipatan niya at ng kanyang popular game show.
Sunud-sunod na ang mga meeting ni Willie at ng AMBS executive na si Maribeth Tolentino sa iba’t ibang mga tao para sa paghahanda ng grand launch ng television network kunsaan mapapanood din ang lahat ng mga programa ng Channel 2.
Nag-umpisa noong June 24 ang test broadcast ng AMBS na hudyat ng nalalapit na pagbubukas ng network na pag-aari ni former Senate President Manny Villar at ng pamilya nito.
May importanteng posisyon si Willie sa AMBS kaya siya ang punong-abala sa pagbuo at pagpili ng mga concept para sa mga programa ng kanyang bagong tahanan.
Nakipag-usap na sina Willie at Tolentino kay Boss Vic del Rosario, ang Presidente at CEO ng Viva Entertainment, kaya inaasahang magkakaroon ito ng partnership sa AMBS.
Kasama nina Willie at Boss Vic sa kanilang meeting ang mga Viva executive na sina Veronique del Rosario-Corpus at kapatid nitong si Vincent del Rosario, Jr.
Tinupad ni Willie ang pangako na manggagaling sa kanya ang lahat ng mga impormasyon tungkol sa AMBS para maiwasan ang pagkalat ng fake news at hindi maging biktima ng disinformation ang mga naghihintay sa opisyal na pagbubukas ng network.
Inaasahang sa pagbubukas ng AMBS ay makapagbibigay ito ng trabaho at kabuhayan sa television industry workers na naapektuhan ng coronavirus pandemic.