Nagpapasalamat si Anna Marie Gutierrez sa lahat ng mga nakakaalaala sa kanya at humihiling na mabigyan niya ng oras para mainterbyu siya.
Pero magalang na tumatanggi ang original lead actress ng Scorpio Nights, ang kontrobersiyal na 1985 erotic-thriller film ng direktor na si Peque Gallaga.
“I’m sorry but I don’t give interviews anymore. I’m already retired from the limelight.I hope you understand. Many thanks for thinking of me though,” pahayag ni Anna Marie.
Pumayag lamang magpainterbyu si Anna Marie sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong October 8, 2020 para pabulaanan ang isinulat sa isang broadsheet ng paranormal expert na si Jaime Licauco na sumakabilang-buhay na siya.
Itinanggi ni Anna Marie ang death hoax dahil buhay na buhay siya at tahimik silang namumuhay ng kanyang American husband at ng kanilang anak sa Larchmont, New York.
Read: Sexy actress noong '80s Anna Marie Gutierrez, biktima ng death hoax
Nabuhay ang interes kay Anna Marie dahil sa Scorpio Nights 3, ang remake ng 1985 blockbuster film at launching movie ng newcomer sexy star na si Christine Bermas.
Si Lawrence Fajardo ang direktor ng Scorpio Nights 3 at leading men ni Christine sina Mark Anthony Fernandez at Gold Aceron.
Ang Scorpio Nights 3 ang pinakamapangahas na bersiyon ng classic movie ni Gallaga na nagkaroon din ng South Korean adaptation dahil.
Hinigitan ni Christine ang sexy scenes ni Anna Marie sa Scorpio Nights at ni Joyce Jimenez sa Scorpio Nights 2 (1999).
Itinodo ni Christine ang paghuhubad sa mga eksena nito sa Scorpio Nights 3, natalbugan at nilampasan niya ang erotic sex scenes na ginawa ng lahat ng mga sexy star — AJ Raval, Angeli Khang, Janelle Tee, et al. — na nagbida sa mga pelikulang napapanood sa Vivamax.
Nakipagsabayan din sa paghuhubad ni Christine sina Mark Anthony at Gold sa unedited version ng Scorpio Nights 3 na aming napanood.
Si Mark ang nagbigay-buhay sa karakter na ginampanan sa Scorpio Nights ng yumaong aktor na si Orestes Ojeda at si Gold ang gumanap sa role na nagpasikat noon kay Daniel Fernando, na gobernador na ngayon ng lalawigan ng Bulacan.
Ipinakita nina Mark at Gold sa Scorpio Nights 3 na mas matapang sila sa paghuhubad kesa kina Orestes at Daniel, pero nangibabaw pa rin ang kanilang mahuhusay na pagganap sa launching movie ni Christine.