Nabulaga ang movie and television industry sa balitang lumabas ngayong Huwebes ng hapon, July 7, 2022, na si Lala Sotto-Antonio ang hinirang ni President Ferdinand Marcos Jr. bilang bagong pinuno ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Si Lala ay anak ni former Senate President Tito Sotto at ng veteran actress na si Helen Gamboa.
Nangyari ito makalipas lamang ang dalawang araw pagkatapos manumpa ng aktor na si Johnny Revilla sa harap ng Pangulo sa Malacañang Palace para sa parehong posisyon noong Martes, July 5.
Si Johnny ay board member ng MTRCB sa panahon ng Duterte administration.
Kasabay na nanumpa ni Johnny ang mga kapwa niya showbiz personality na si Tirso Cruz III, na itinalagang bagong chairman ng Film Development Council of the Philippines, at si Mark Lapid bilang chief operating officer ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority.
Read: Tirso Cruz III, itinalaga bilang bagong FDCP chairperson sa kabila ng reappointment ni Liza Diño
Kahapon, July 6, may mga nagtaka sa press release na ipinadala ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa mga news outlet at sa video na mapapanood sa official YouTube channel ng Radio TV Malacañang (RTVM) dahil "Board Member" at hindi MTRCB Chairman ang nakalagay sa posisyon na sinumpaan ni Revilla.
Isang nakakaalam sa buong kuwento ang nagsabing, diumano, binawi ang appointment kay Revilla bilang MTRCB chair—na nasa mga kamay na ngayon ng anak nina Tito at Helen—kagabi, July 7.
Kasama ni Johnny sa panunumpa sa Palasyo noong July 5 ang kanyang asawa, ang dating singer na si Janet Basco, at ang kanilang mga anak.
May larawan ang Revilla family na kasama si President Marcos Jr. para sa traditional photo opportunity pagkatapos ng panunumpa.
Johnny Revilla and his family with President Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang matibay na pruweba na siya ang talagang unang pinili bilang MTRCB Chair, pero bukod-tanging ang larawang ito ang wala sa video report ng RTVM.
Nasagot ang misteryo sa missing photo ng mga Revilla at ni Marcos Jr. nang ilabas ng opisina ni ex-Senator Sotto ang larawan at ang impormasyon na ang kanyang anak na si Lala at hindi si Revilla ang mamumuno sa MTRCB.
Bukas ang PEP.ph sa panig nina Johnny Revilla at Lala Sotto kaugnay ng isyung ito.