Kontrobersiyal ang mga pahayag ng direktor na si Roman Perez Jr. sa digital media conference ng Ang Babaeng Nawawala sa Sarili na naganap ngayong Lunes ng hapon, July 11, 2022.
Si Ayanna Misola ang bida sa Ang Babaeng Nawawala sa Sarili, na remake ng 1989 movie na may parehong title at pinagbidahan ni Dina Bonnevie.
Read: Sexy star Ayanna Misola, kasama sa bucket list ang makatrabaho ang idolong si Dina Bonnevie
Ayon kay Direk Roman, kahit si Bea Alonzo o si Nora Aunor ang lead actress ng kanyang pelikula, tiyak na mahihirapan dahil matitindi ang mga eksena.
“Habang pinapanood ko ang pelikula sa editing, kahit si Bea Alonzo siguro ang gumawa nito, mahihirapan. Sobrang hirap ng karakter, apat na tao yung ginagampanan ni Ayanna.
“At kahit sino pa ang gumawa nito, mahihirapan. Kahit siguro ang ating National Artist na si Nora Aunor, kapag ginawa itong pelikulang ito ay mabibigyan ng magandang challenge.
"Ang hirap na multiple characters ang ginagampanan niya at napakagandang vehicle nito para kay Ayanna.
“Napakahusay ni Ayanna, lalo yung mga mahihirap na scene, na-pull off niya. Si Ayanna, matatawag na nating aktres,” walang pagdadalawang-isip na pahayag ni Roman.
Kontrobersiyal din ang pangalawang deklarasyon ni Roman na hindi pinapansin ng mga award-giving body ang mga pelikulang napapanood sa Vivamax.
Kumbinsido rin si Roman na hindi gusto ng mga miyembro ng award-giving bodies ang Vivamax movies.
Sad niya, “Ang pelikulang ito, hindi naman talaga pinapansin ng award-giving bodies.
“Ang pandemic cinema, ang streaming cinema, hindi nila pinapansin.
“Hindi nila ako type. Hindi nila type ang mga Vivamax film. Hindi nila type.”
Iginiit ng direktor na wala siyang pinanggagalingan na hugot dahil base raw sa mga obserbasyon niya ang kanyang mga binitawang salita.
“Napansin ko po, lalo sa local films, kapag streaming cinema, parang masyado nilang minamaliit. Hindi nga nila nino-nominate.
“Last year, ang daming magagandang pelikula ng Vivamax, ang gaganda ng mga pelikula ni Law Fajardo, yung ibang pelikula natin, wala man lang nominations. Hindi pinansin.
"Tapos yung mga na-nominate, lahat ng mga na-nominate, yung mga ipinalabas lang noong Disyembre 2021 [47th Metro Manila Film Festival].
“Parang, okay, sige. Hindi nila kina-count yung streaming cinema, unlike sa Hollywood, sa Oscars, binibilang nila ang streaming cinema, kasi cinema siya, ginawa siya bilang pelikula."
Pglilinaw niya, "Obserbasyon ko lang naman. Wala naman akong hugot.
"Okay lang na hindi manalo ng award. Ang mahalaga, napanood ang mga pelikula namin. Masaya na kami."
Mahalaga ba sa mga direktor na kagaya niyang kilalanin ng mga award-giving body ang mga pelikulang kanilang ginagawa?
“Yes and no,” sagot ni Roman.
“Sa akin po kasi, ang pelikula ay sining. Ang sining ay para sa masa.
“Ang award-giving bodies ay ibinibigay o ini-screen ng jury. Depende sa jury kung sino.
"Yung jury ay kung nandoon sa elite art, hindi ka nila isasama, kasi napaka-elite ng jury.
“Yung ‘no’ naman, sa akin po kasi, ang sining ay para sa masa. Naabot ko po yung masa. Masaya na ako dun. Parang award na yun.
“Naglalakad ka sa kalye, kumakain ka sa isang restaurant, 'Ay, ikaw yung gumawa ng Adan! Ah, ikaw yung gumawa ng Taya,' ang sabi ng tricycle driver.
“Okay na ako. Masaya na ako. Magandang award yun.
"Ibig sabihin, naka-connect ako sa masa. May mga nanood ng mga pelikulang ginagawa namin.
“Hindi yung gagawa ka ng pelikula, ang dami kong napanalunan na awards sa abroad, wala naman nakapanood na Pilipino. Para saan ang sining?”