Live na napanood sa telebisyon ang malakas na paglindol sa Ilocos Sur at sa Metro Manila nitong Miyerkules ng umaga, July 27, 2022.
Kapwa ito naranasan ng kapamilya broadcasters na sina Noli De Castro at Karen Davila.
Read: Bantay Bell Tower sa Ilocos Sur, nasira dahil sa malakas na lindol
Si Dr. Maria Minerva Calimag ang iniinterbyu, via Zoom, ni De Castro sa programa nito sa Teleradyo nang biglang lumindol nang malakas.
Ramdam na ramdam ni Calimag ang pagyanig ng paligid na kitang-kita sa telebisyon dahil nasa Ilocos Sur siya nang maganap ang lindol.
"Naku, lumilindol!" nagulat na reaksiyon ni Dr. Calimag kaya tinanong ni De Castro ang kanyang kinaroroonan.
“Nasa Ilocos Sur po ako ngayon,” sagot ni Dr. Calimag bago ito nawalan ng koneksyon.
Sabi ni De Castro, “Ilocos Sur. Follow-up, lumilindol. Si Dra. Maria Minerva Calimag, nawala ang kanyang signal dahil sabi niya, lumilindol. Malikot nga yung kanyang video.
"Ilocos Sur! Susmaryosep, ano ba ang nangyayari sa daigdig? Baka kailangan ho natin na dagdagan ang ating mga dasal.”
Pero makalipas lamang ang isang minuto at tatlumpong segundo, naramdaman na rin ni De Castro ang paggalaw ng lugar na kanyang kinaroroonan.
“O, uy, teka muna, lumilindol din dito! Susmaryosep, ano ba? Akala ko, nahihilo lang ako.
"Mga kabayan, nararamdaman ho namin ang lindol. Aba, kung Ilocos Sur at aabot dito, malakas!" reaksiyon ni De Castro.
Hindi nagkamali ang beteranong broadcaster sa kanyang sinabi na malakas ang lindol dahil maraming mga tahanan, gusali, at simbahan ang napinsala sa iba’t ibang lalawigan sa Northern Luzon.
Inihinto naman ni Karen Davila ang panayam niya kay Negros Oriental House Representative Arnolfo Teves Jr. sa kanyang programa sa ANC dahil sa lindol na epicenter ang Abra at may magnitude na 7.3.
Si Teves ang may akda ng panukalang-batas na House Bill 610 na may layuning palitan ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport at ng House Bill 611 (Anti-Ghosting Bill).
Read: Ghosting, ipinanukala ng kongresista na gawing emotional offense
Si Teves ang unang nakaramdam ng malakas na pagyanig.
“Uy, there’s an earthquake,” ani Teves.
Sagot ni Karen, “I know. I’m feeling it right now.
"We are live right now and I’m feeling the earthquake. Alright, well... I live in a condo so it’s shaking right now.
"We’re gonna go into a quick break. Stay with us."
Bakas sa mukha ang pagkabahala dahil sa malakas na paggalaw ng condominium building sa Makati City na tinitirhan niya at pinagdarausan ng Zoom interview para sa kanyang Headstart program sa ANC.