Maituturing na halimbawa ng kasabihang "Kapag buhay ang inutang, buhay rin ang kabayaran" ang kaso ng pamamaslang kay Rolando Yumol, ang retiradong pulis na ama ni Dr. Chao Tiao Yumol.
Ang nakababatang Yumol ang suspek sa pamamaril sa Ateneo De Manila University, sa Quezon City, noong nakaraang Linggo, July 24, 2022.
Kabilang sa napaslang sa Ateneo shooting incident ang dating mayor ng Lamitan, Basilan na si Rose Furigay.
Apat na bala ang kumitil sa buhay ni Rolando Yumol, na binaril ng riding in tandem nitong Biyernes ng umaga, July 29, 6:55 a.m., sa harap ng kanyang tahanan sa Lamitan City, Basilan.
Iniimbestigahan na ng Lamitan Police ang pagpatay sa ama ni Yumol.
Pero may mga haka-hakang may kinalaman ang krimen sa pamamaril na ginawa na tumapos sa buhay ng dating Lamitan mayor, sa executive aide nitong si Victor Capistrano, at sa Ateneo security guard na si Jeneven Bandiala, habang sugatan ang anak ni Furigay na si Hannah.
Read: Netizens nagbigay-pugay kay Jeneven Bandiala, security guard sa Ateneo shooting incident
Sa imbestigasyon ng Quezon City Police, lumitaw na personal na galit ang motibo ng pagpatay ni Yumol sa dating alkalde ng Lamitan.
Inaakusahan ni Yumol na sangkot sa illegal drug trade at maraming beses na pagtatangka sa kanyang buhay ang pumanaw na alkalde dahil sa mga exposé niya sa social media.
TWO SIDES OF THE STORY
Ang former People’s Tonight news editor na si Atty. Bertini "Toto" Causing ang dating abogado ni Yumol sa 56-counts ng libel na isinampa noon ni Furigay laban sa kanyang kliyente.
Ayon kay Causing, tatlong beses tinangkang patayin si Yumol pero nakaligtas.
“Minsan ay may umatake kay Doctor Yumol na binugbog gamit ang mga matitigas na bagay na muntik nang mamatay dahil sa halos mabasag ang kanyang bungo. Naoperahan siya at nakaligtas.
“Ngayon, inilagay na niya sa kanyang kamay ang katarungan. In-ambush niya ang mayora at ang bodyguard nito.
"Nakakalungkot. Nakakarebelde," pahayag ni Causing nang malaman nito ang ginawa ni Yumol.
“Mabait na tao ‘yan. Ang sitwasyon niya, kung hindi siya gagalaw, papatayin din siya.
"Tatlong beses na siyang tinangkang patayin. Hindi lang napuruhan at masuwerteng nakaligtas,” dagdag na pahayag ni Causing nang makausap siya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ngayong Biyernes ng umaga.
Ibinahagi ni Causing ang larawan nina Yumol, Furigay, at Capistrano na kuha sa pagdinig sa libel case ng akusado sa Branch 12 ng Regional Trial Court ng Zamboanga City noong January 2020.
Dahil sa pagpatay niya sa mga biktima, deactivated o tuluyan nang isinara ng Facebook administration ang Facebook account ni Yumol na naglalaman ng mga video ng mga reklamo niya laban kay Furigay.
Kaugnay nito, pinaplano ni Causing na sumulat at iapela sa mga kinauukulan ang kaso ng doktor na nakakulong sa Camp Karingal, Quezon City.
Sa kabilang banda, nauna nang pinabulaanan ng abogado ni Furigay ang mga paratang ni Yumol laban sa pinaslang na dating alkalde.
Ayon kay Atty. Quirino Esguerra, matagal nang may personal na galit si Yumol kay Furigay.
Payahag niya sa panayam ng ABS-CBN News noong July 24, "This all started when he was operating an infirmary clinic.
"The Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao [BARMM] issued a cease and desist order. Because Lamitan City is included in BARMM, it was [then] Mayor Rose Furigay who implemented it.
"When she implemented that order from BARMM, doon nagalit itong si Dr. Chao-Tiao Yumol."
Ayon pa kay Atty. Esguerra, nagsampa ng humigit-kumulang 70 cyber libel cases si Furigay laban kay Yumol dahil sa wala umanong basehang mga akusasyon simula pa noong 2018.
Base sa kanyang social media posts, si Yumol ay avid supporter ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at masidhing kritiko ni dating Vice President Leni Robredo.