Buwan ng Hunyo 2022 nang umugong ang balitang lilipat si Matteo Guidicelli sa GMA Network, pero walang makapagkumpirma at walang makapagsabi kung kailan mangyayari.
Read: Billy Crawford at Matteo Guidicelli, babalik sa GMA-7?
Ngayon ay may sagot na sa mga haka-haka ng publiko dahil tiyak na ang paglipat ni Matteo sa Kapuso Network.
Magaganap ito bago matapos ang August 2022.
Malapit nang ipakilala si Matteo bilang bagong co-host ng Unang Hirit, ang morning talk show ng GMA-7 na nagsimulang mapanood sa telebisyon noong December 6, 1999.
Magiging abala na si Matteo sa promo guestings para sa nalalapit na pagpasok niya sa 22-year-old morning program.
Welcome addition si Matteo sa pamilya ng Unang Hirit dahil tiyak na malaki ang magiging kontribusyon niya sa programa. Marami rin siyang karanasang maibabahagi tulad ng pagiging aktor, singer, businessman, at reservist ng Philippine Army.
Ngayon lamang magkakaroon ng isang early morning show si Matteo, pero hindi siya baguhan sa hosting dahil ang The Biggest Loser Pinoy Edition: Doubles ng ABS-CBN at Born To Be A Star ng Viva Television at TV5 ang ilan sa mga nakaraang hosting stint niya.
Hindi rin baguhan si Matteo sa GMA-7 dahil naging bahagi siya noong 2009 ng SOP Fully Charged, ang defunct Sunday noontime musical-variety show ng Kapuso Network.