Nananatiling "tinik sa dibdib" ng ABS-CBN si Sagip party-list Representative Rodante Marcoleta.
Nakatutok at nakabantay kasi ang huli sa lahat ng mga kilos ng pamunuan ng Kapamilya Network, na nagsara dahil pinagkaitan ng prangkisa ng mga miyembro ng kongreso noong July 2020.
Si Marcoleta ang isa sa mga nanguna sa pagpapasara sa ABS-CBN, dalawang taon na ang nakalilipas.
Noong nakaraang buwan, naghain siya muli ng bagong panukala, ang House Resolution 00036 o "A Resolution Directing the Appropriate Committee of the House of Representatives to Conduct an Investigation, in Aid of Legislation, to Determine the Alleged Violations of ABS-CBN with Respect to its Franchise and the Imposition of Concomitant Administrative Fines As a Result Thereof by the National Telecommunications Commission."
Nakabinbin pa ang pagdinig ng Kongreso sa naturang resolusyon.
Nitong Miyerkoles, August 10, 2022, naganap ang "landmark deal" ng ABS-CBN at TV5, pero hindi rin ito pinalampas ni Marcoleta na nanawagan sa Philippine Competition Commission (PCC) at sa National Telecommunications Commission (NTC) para imbestigahan ang pagsasanib-puwersa ng mga nabanggit na broadcast media network.
Sa panayam sa kanya ng Radyo Pilipinas sa mismong araw ng pirmahan ng kontrata ng TV5 at ABS-CBN executives, sinabi ni Marcoleta na dapat mag-imbestiga ang PCC at ang NTC tungkol sa posibleng paglabag sa anti-trust law.
Ito ang para raw maiwasan ang pagsasanib ng mga market power na puwedeng makaapekto sa consumers, or in this case, viewers.
"Ang nakikita ko parang [circumvention] ng batas yung gagawin nila na madaliang joint venture between ABS-CBN and TV5.
"TV5 malaki iyan, pagkatapos ABS-CBN, mamo-monopolize ang industry dito. Wala bang say dito ang Philippine Competition Commission?"
Dugtong niya, "...kaya nga tayo naglatag ng ganitong agency para tingnan ang lahat ng kapakanan ng mga apektadong sektor. Magiging monopoly ito kung tutuusin mo, di ba?
"Sa totoo niyan, mayroon akong resolution na di pa lang nabibigyan ng panahon. Kinuwenta ko nga yung value ng administrative fine na sa akin talaga ay dapat lamang na singilin.
"Yun na nga, base na rin sa mga napatunayang mga paglabag. Sana ang NTC ay wag naman magpakatahimik sa isyu na ito,” ang pahayag at panawagan ni Marcoleta na hindi nabalewala dahil nag-iimbestiga na ang NTC tungkol sa pagsasanib-puwersa ng TV5 at ABS-CBN.