Dalawang linggong hindi napakinggan at napanood sa Cristy FerMinute, ang kanyang radio at online program sa Radyo Singko at One.PH ang entertainment writer at host na si Cristy Fermin.
Sumailalim siya sa polyp throat surgery sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City noong August 15, 2022.
Read: Cristy Fermin two weeks na hindi nakapagsalita
Ngayong Lunes, August 29, masiglang nagbalik si Cristy sa Cristy FerMinute. Wala na ang pamamaos sa boses niya dahil sa matagumpay na operasyon sa kanya.
“Napakamahal po ako ng Diyos,” paulit-ulit na sambit ni Cristy nang ikuwento nito ang operasyong pinagdaanan niya.
“Medyo mababa lang po ang aking boses at medyo hindi kailangan na todo-todo ang pagitan ng mga salita dahil ‘ika nga, e, hindi pa po ganoon katindi ang ayos ng ating sitwasyon.
"Pero maraming salamat sa Diyos. Sobrang maraming salamat sa Diyos."
Lahad niya, “Alam niyo po, wala pong taong matapang pagdating sa operasyon. Hindi po local anaesthesia ang ginagamit sa ganitong operasyon sa polyp throat operation. General anaesthesia po ito.
“Wala po tayong kalaban-laban oras po na tayo ay in-injection-an na. Kahit po pinakamatapang na emperor, pinakamapangyarihan, sabi ko nga, ipinanganak po siya na walang damit na tulad natin kaya wala pong matapang na tao na sasalang sa operating table.
"Wala! Wala talaga!"
Hindi ipinagkaila ni Cristy na nagkaroon siya ng "cancer scare" at nagdasal nang husto na benign o cancer-free ang polyp na inalis ng doktor mula sa kanyang lalamunan kaya tuwang-tuwa siya nang malaman niya ang resulta.
“Humiga na po kayo sa operating table, nakuha na po yung polyp sa inyong lalamunan. Ibinalik na po kayo sa kuwarto.
"Ang pinakamatindi na babagabag sa isip ng isang pasyente, yung biopsy.
"Napakahalaga po ng biopsy. Dun po malalaman kung ang nakuha sa inyo na polyp ay benign o meron pong kaakibat na cancer cells.
"Kapag meron pong cancer cells na positibo, dun na yung payo na magpapa-PET [Positron Emission Tomography] scan ka. Kapag meron kang kanser sa isang bahagi, natural lamang na marami nang kalat sa buong katawan.
“Napakamahal po ako ng Diyos. Napakamahal po ako ng Diyos. Answered prayer po ako.
"Talagang noon ko pa po ipinapanalangin yung biopsy. Answered prayer po ako. Maraming-maraming salamat,” maligayang-maligayang pahayag ni Cristy.
Pinasalamatan din ni Cristy ang lahat ng mga nagdasal para sa mabilis na paggaling niya, lalo na ang talent manager na si Dolor Guevarra. Ang pamangkin ni Dolor na si Dr. Maita Feliciano ang doktor na nag-opera kay Cristy.
“God is good all the time. Napakasarap po sa pakiramdam.
"Yung pagpapagaling ko, dapat po ‘yan ay matagalan lalo na kung mahina ang kalooban ng pasyente, pero ang dagdag po na lakas ng loob ko ay nagmumula sa inyo.
“Yun po talaga ang nagpadali ng aking pagpapagaling, galing sa iba-ibang bansa. Galing sa Pilipinas, mga kaibigan, mga kapamilya, mga kasamahan sa trabaho, kayo po ang nagpadali ng gamutan ko at ng pagpapagaling ko. Salamat po sa inyong lahat,” mensahe niya.
Dalawang linggong pinagbawalang magsalita si Cristy, puro malalambot na pagkain at malalamig tulad ng ice cream lamang ang kanyang puwedeng kainin para maging mabilis ang paggaling niya.
Ibinahagi rin ni Cristy ang mga nangyari sa kanya sa panahon na kahit pabulong, pinagbawalan siya na magsalita.
“Meron akong white board na may pen. Meron din ako sarili ko na ipinabili para sa mga personal kong gustong sabihin.
“Kunwari, tubig pahingi o kaya nagugutom na ako. Isusulat ko na lamang po yun. Napakahirap po.
“Ibang magbiro ang kapalaran. Isipin mo, puhunan ko boses, dun ako nagkaroon ng paghamon.
“Parang atleta po ako na pinutulan ng isang paa. Parang ganoon po ang nangyari sa akin.
"Pero talagang laging may Diyos na gumagabay sa atin kapag sinsero po ang ating pagtawag.
“Kapag talaga pong nagsisikhay tayo at nagpupunyagi para sa ating kaligtasan, wala pong hindi pinakikinggan ang Diyos,” saad niya.