Nagsimula na ngayong Martes ng gabi, September 27, 2022, ang online voting ng Miss Grand International para sa Top 10 Pre-Arrival ng mga kandidata sa 10th edition ng Thailand-based pageant organization.
Maaaring bumoto sa official Facebook at Instagram account ng Miss Grand International.
Tulad ng dapat asahan, kabilang sa mga pinapaboran ang Philippine representative na si Roberta Angela Tamondong na suportado ng mga Pilipino na mahihilig sa mga beauty contest.
Bukod kay Tamondong, nakakatanggap din ng maraming "likes" ang mga kinatawan mula sa Thailand, Cambodia, at Indonesia.
Si Tamondong ang nanalong Miss Eco Teen International na ginanap sa Egypt noong December 6, 2020. Ang Miss Grand International ang pangalawang international beauty pageant na sasalihan niya.
Ang Sentul International Convention Center sa West Java province ng Indonesia ang venue ng coronation night ng 10th Miss Grand International sa October 25, 2022.
Dahil isang Muslim country ang Indonesia, hindi magkakaroon ng swimsuit competition ang nabanggit na contest kaya pinalitan ito ng sportswear parade ng mga kandidata. Magaganap ito sa Bali, Indonesia sa October 9.
Pitumpu’t dalawa (72) ang bilang ng mga opisyal na kalahok sa 10th Miss Grand International, na binansagang "cooking show" ng mga Pilipinong dismayado dahil mailap sa mga Pilipina ang korona.
Pero sa kabila ng kanilang mga reklamo, patuloy ang suporta nila sa mga official delegate ng ating bansa.
Sa kasaysayan ng Miss Grand International, dalawang first runner-up pa lamang ang pinakamataas na karangalang nakuha ng Pilipinas—sina Samantha Bernardo (2020) at si Nicole Cordoves (2016).
Third runner-up winners naman sina Ali Forbes (2013) at Parul Shah (2015), samantalang second runner-up si Elizabeth Clenci noong 2017.
May duda ang Pinoy beauty pageant fans na hindi paborito ng Miss Grand International founder na si Nawat Itsaragrisil ang mga kandidata ng Pilipinas.