Noong April 2022, nakaranas ng mabigat na pagsubok si Lyca Gairanod at ang kanyang pamilya dahil na-stroke ang tatay niya at isang buwan itong nanatili sa ospital.
Makalipas ang limang buwan, masayang ibinalita ni Lyca na maayos na ang kalagayan ng kanyang ama kaya nagpapasalamat siya sa Panginoong Diyos.
Lahad ng The Voice Kids Philippines Season 1 grand champion, “Nakakausap na po namin siya nang maayos. Hindi po tulad noong una na hindi po siya masyadong nagsasalita, but now, alam na po namin kung gusto na niya kumain.
“Nasa bahay na po siya. Sabi po kasi ng doktor niya, mas magandang nasa bahay si Father para mas maging positive siya, masaya lang, at nakikita niya kami araw-araw.
“Ganoon po talaga ang buhay, may magaan, may mabigat. Talagang hindi po natin maiiwasan but nakayanan naman po namin. Basta para kay Father, talagang kakayanin.
“Pero ito po talaga, mas mahirap sa amin dahil first time na nangyari sa buhay ko.”
Nasa kalagitnaan ng taping para sa sitcom ng TV5 na Kalye Kweens nang magkasakit ang tatay ni Lyca.
Bukod sa Panginoong Diyos, nagpasalamat si Lyca sa Kalye Kweens director na si Temi Cruz Abad dahil sa suportang ibinigay nito sa kanya.
“Siyempre po, mahirap magtrabaho na may mabigat. Nung time nga po na nagte-taping kami ng Kalye Kweens, nasa hospital ang father ko.
"At talagang nagte-thank you ako kay Direk dahil mino-motivate niya ako. Sabi niya, gawin kong inspirasyon ang father ko para magawa ko ang role ko,” saad ng singer.
CRUSH ON DANIEL PADILLA
Sa edad na 17, hindi pa nararanasan ni Lyca na magkaroon ng boyfriend pero kung sakaling makipagrelasyon siya, titiyakin niyang hindi maaapektuhan ang kanyang pagiging breadwinner ng pamilya.
“Nasa tao naman po yun. Kung susuportahan ako ng magiging boyfriend ko sa lahat, hindi siya magiging dahilan para matigil ang mga ginagawa ko [para sa pamilya],” katuwiran ni Lyca.
Tinutukso naman ng entertainment press si Lyca kay Daniel Padilla dahil ito ang kanyang "biggest crush" noong paslit na bata pa siya.
"Wala," sagot ni Lyca nang tanungin ito kung may napupusuan siya na tiga-showbiz.
Pero kinilig ang 17-year-old singer-actress nang may magbiro at nagtanong ng "Paano kung si Daniel ang manligaw sa iyo?"
“Wala pong chance!” napahalakhak na reaksiyon ni Lyca.
“Wala po akong chance. Kung walang Ate Kathryn [Bernardo]!
"Pero grabe po sila, talagang bagay na bagay. Fan na fan po ako ng KathNiel."