Mahigit isang taon na ang nakalilipas mula nang pumirma si Bea Alonzo ng exclusive contract sa GMA Network Inc., at ayon sa kanya, kumportableng-komportable na siya sa pagiging Kapuso actress.
Siya ay dating homegrown star ng ABS-CBN.
"I must say na feel na feel ko na yung pagiging Kapuso ko ngayon. Nagsa-slide na siya sa tongue ko, sa bibig ko.
"And I feel, mas komportable na ako ngayon, going in and out of the studio," ang sabi ni Bea.
Binigyan niya ng pag-asa ang mga tagahanga ng loveteam nila ni John Lloyd Cruz dahil sa mga proyekto na kanilang nakatakda na pagsamahan.
Pinag-uusapan na ang susunod na proyekto ni Bea pagkatapos ng Start-Up, pero sunud-sunod ang mga pelikula na kanyang gagawin para sa iba’t ibang mga movie company tulad ng GMA Pictures, Star Cinema, Reality MM Studios, at Viva Films.
Kaya tiyak na puno na ang schedule niya hanggang sa susunod na taon.
ON START-UP PH
Nagpapasalamat si Bea dahil sa mainit na pagtanggap at pagtangkilik ng manonood sa Start-Up, ang Philippine adaptation ng Koreanovela na pinagbibidahan nila ni Alden Richards at unang television series niya bilang Kapuso actress.
Nang humarap si Bea sa mga miyembro ng entertainment press sa isang Korean restaurant, Huwebes ng tanghali, October 6, 2022, sinabi niya ang nararamdaman na kaligayahan dahil sa suporta ng publiko sa Start-Up.
"I’m happy na nagre-resonate siya sa Filipino audience. I’m happy na na-appreciate nila yung efforts namin.
"And they felt na, at least, yung ibang take o twists na ibinigay namin sa karakter, nakita nila in a positive way," pahayag ni Bea.
Nakikita niya ang sarili kay Dani, ang karakter na kanyang ginagampanan sa primetime television series ng GMA-7.
"Sabi nga nila, art imitates life. Sobrang totoo for me because nung start ng Start-Up, I’m starting a new chapter in my life sa GMA.
"Yung character ni Dani, nandiyan siya para abutin yung mga pangarap niya. Para patunayan sa sarili niya na kaya niya. Na marami pa siyang pangarap na gustong abutin.
"And I’m the same way, so dun ako nakaka-relate, yun ang naiiwan sa akin ni Dani, yung fighting spirit niya."