"Weird" ang naging pakiramdam ng award-winning director na si Erik Matti dahil sa obserbasyon ng netizens na parang kuwento ng On The Job ang mga hard news kamakailan.
Una na rito ang pagpaslang sa radio broadcaster na si Percy Lapid noong October 3, 2022; at ang pagtatangka ng isang preso na gawing hostage si former Senator Leila De Lima sa insidenteng nangyari sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City, noong October 9.
- Leila de Lima, ligtas sa hostage-taking at stabbing incident sa Camp Crame
- Radio veteran broadcaster Percy Lapid shot dead in an ambush
- John Arcilla pormal na tinanggap ang Volpi Cup sa Philippine premiere ng On The Job: The Missing 8
"May mga nagta-tag sa akin sa Twitter ng Percy Lapid story and even yung Leila De Lima story. They were reminded of On The Job. Parang On The Job ang kuwento,” pahayag ni Matti sa digital interview sa kanya na naganap nitong Lunes ng gabi, October 10, 2022.
Sinabi ni Matti na natawa ang unang reaksiyon niya nang makarating sa kanya ang balita tungkol kay De Lima dahil sa Pilipinas lamang maaaring mangyari ang karanasan ng dating senadora na nakakulong sa PNP Custodial Center.
"Honestly, when I heard the news, I saw it on Twitter and then I got a message from Michiko about that," ani Matti.
Si Michiko Yamamato ay ang award-winning scriptwriter wife ni Matti.
"Ang una kong reaksiyon, ang sama, kasi natawa ako. Ang naisip ko, I’ve been to that prison system because I visited Bong Revilla Jr. and Jinggoy Estrada years back.
"Nagkumusta kami sa kanila ni Dondon, we brought food so I know the place."
Si Dondon Monteverde ay kapwa producer ni Matti sa Reality Entertainment. Ang mga senador na sina Revilla at Estrada ay naditena sa PNP Custodial Center sa Camp Crame noon.
Patuloy na paglalarawan ni Matti sa hitsura ng PNP Custodial Center, "It’s separate, hindi ko alam kung nag-iba na siya over the years.
"Kaya ako natawa, sabi ko, 'Sa Pilipinas lang mangyayari iyan.' Kasi, ang unang pumasok sa isip ko, 'Paano may ibang nakapasok dun na ibang preso?' Because I know it’s a separate place. Hindi ko alam kung paano may umabot na preso sa kulungan ni De Lima.
"Naisip ko rin, it sank in na more than funny, nananahimik na si De Lima, nasali pa sa ganyan. Bakit of all people, siya pa talaga? Ang dami nang nangyaring malas sa kanya, di ba? 'Tapos this time around, siya pa yung napuntirya?" nagtatakang tanong ni Matti tungkol sa mga tunay na buhay na pangyayari kay De Lima.
Hindi ito naiiba sa mga eksena sa kanyang critically-acclaimed movie, ang On The Job: The Missing 8 na nominado sa kategorya ng Best TV Movie/Mini-Series sa 50th International Emmy Awards na magaganap sa New York City sa November 21, 2022.
Ang nabanggit na pelikula rin ang napili na ipadala ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) sa Best International Feature Film category ng 95th Academy Awards na idaraos sa March 12, 2023 kaya hinihingi ni Matti ang suporta ng ating mga kababayan.
"We need all the support you could give us. Ang nakakatuwa, kagagaling lang natin sa eleksyon, kagagaling natin sa pandemya.
"Wala rin naman tayong sport events or malaking news about Filipinos making it.
"Parang nakakatuwa lang na meron tayong ganito sa Emmy’s, sa Oscars and we have something to rally behind as Pinoys kasi parang lugmok na lugmok tayo. Litung-lito tayo.
"Pati industriya natin, litung-lito, so whether we win or not, it’s really this moment na may pride naman tayo once in a while and this year.
"We are happy to remember it as one that put On The Job on the map with the Emmy’s and being chosen for the Oscars. Salamat, salamat,” mensahe at pasasalamat ni Matti sa mga Pilipino.