Isa si David Licauco sa mga nakinabang nang mapili siya para gumanap na kaibigan ni Dennis Trillo sa Maria Clara at Ibarra, ang phenomenal primetime fantasy drama series ng GMA-7.
Fidel ang pangalan ng karakter na ginagampanan ni David sa Maria Clara at Ibarra at siya ang matalik na kaibigan ni Crisostomo (Dennis).
Mula nang maging Kapuso actor si David, nabigyan na siya ng GMA-7 ng mga television assignment pero sa Maria Clara at Ibarra lamang napansin ang kanyang acting talent.
Natututo nang umarte si David, ang obserbasyon ng televiewers, at malaking bagay na mahuhusay na artista na gaya nina Barbie Forteza at Dennis ang madalas na kasama niya sa kanyang mga eksena.
Isang hamon para kay David na pagbutihin ang pag-arte niya para hindi siya mapag-iwanan nina Barbie, Dennis, pati na ng mga bitplayer at character actor na maliliit lamang ang mga papel na ginagampanan pero nagpamalas ng husay tulad ni Chai Fonacier.
Napuna na marunong nang umarte si David sa October 12 episode ng serye sa eksena na ininsulto niya ang pagkatao at pinaratangan na "mujer libre" o bayarang babae ang karakter ni Barbie.
Isang malakas na sampal ang dumapo sa pisngi ni David dahil hindi nakontrol ni Klay (Barbie) ang galit nito.
Nakatulong ang sampal at ang pagkakaroon ng mga mahuhusay na kasama sa eksena para lumitaw na may itinatago rin na kakayahan sa pag-arte ang 27-year-old Filipino-Chinese actor na dating blangko ang reaksyon ng mukha sa mga nakaraang acting assignments nito.
Nagsimula ang showbiz career ni David noong 2014 at makalipas ang walong taon, nagbubunga na rin ang kanyang mga pagsisikap, kaya malaki ang dapat na ipagpasalamat niya sa GMA-7 at sa direktor na si Zig Dulay dahil isinali siya sa cast ng Maria Clara at Ibarra.