Lumipad si Dolly de Leon sa Amerika noong September 22, 2022 para sa campaign at promotional tour ng international film na Triangle of Sadness.
Strong contender ang Filipino actress sa best supporting actress nomination ng 75th Academy Awards o Oscar Awards.
Read: Pinoy Pride Dolly de Leon, may laban sa Oscars 2023?
“Bittersweet” ang pagsasalarawan ni Dolly sa biyahe niya sa Amerika dahil sa mga karanasang hindi malilimutan, tulad ng pagpanaw ng kanyang ina na matagal nang naninirahan sa Amerika.
Isang Overseas Filipino Worker (OFW) ang nanay ni Dolly na si Rosie de Leon, na nagtrabaho sa ibang bansa para maitaguyod ang pamilya.
Dahil OFW rin ang role ng aktres sa Triangle of Sadness, tinanong siya ng Cabinet Files sa reaksiyon ng kanyang ina sa partisipasyon niya sa pelikulang tumanggap ng Palme d’Or award sa 75th Cannes Film Festival sa Cannes, France noong May 28, 2022.
Ang Palme d’Or ang itinuturing na pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob sa nabanggit na prestigious film festival.
Read: Triangle of Sadness, starring Filipino actress Dolly de Leon, wins Palme d'Or at Cannes 2022
Hindi namin inaasahang may malungkot na sagot at kuwento si Dolly tungkol sa kanyang ina nang makapanayam siya ng Cabinet Files, sa pamamagitan ng Zoom, ngayong Huwebes ng umaga, October 20, 2022.
Lahad ng aktres, “Yung nanay ko kasi 91 years old na siya. At nung time na nandoon ako sa Toronto, may sakit na siya at naka-confine na siya sa hospital.
“Nadalaw ko siya noong first week of October. Pero dahil kailangan kong lumipad papuntang London, iniwan ko siya kasama ng kuya ko.
"And sumakabilang-buhay na siya noong October 11."
Pagpapatuloy ni Dolly, “Pero alam niyo, yung nanay ko, napakatinding alaskador niya. Ganoon siya magpakita ng pagmamahal, tough love.
“Lagi lang niya akong inaalaska, ‘Artista ka talaga… artista ka talaga.’
“Puro yun lang ang sinasabi niya, on her deathbed. Mahinang-mahina na siya pero tinutukso pa rin niya ako."
Ayon pa sa aktres, kalahati lamang ng Triangle of Sadness ang napanood ng kanyang ina.
“Napanood niya yung first half ng Triangle of a Sadness, but because she’s too weak, hindi na niya talaga kaya, hindi na niya natapos.”
Nagpapasalamat si Dolly dahil nabigyan siya ng pagkakataong magkita sila ng kanyang ina sa mga huling sandali ng buhay nito.
“Actually, hindi ko siya makikita bago siya namatay kung hindi dahil sa pelikulang ito at kung hindi dahil sa Oscar campaign.
“Ang mahal-mahal lumipad dito. Hindi ko ma-afford pero dahil sa Neon [U.S. distributor ng Triangle of Sadness] at dahil sa Plattform Produktion, yung producer ng pelikula, nakapunta ako ng Amerika at nakita ko ang nanay ko.
“I was able to spend five days with her bago siya pumanaw.
"So, bittersweet siya. Malungkot pero, at the same time, masaya dahil nagsama kami, nagkita kami, at nayakap ko siya for the last time," sabi ni Dolly.
Sumagot ng “mismo” ang aktres sa aming komento na ang Panginoong Diyos ang gumawa ng paraan na magkita sila ng nanay niya bago ito binawian ng buhay.
Hindi lamang ang ina ni Dolly ang pumanaw dahil sumakabilang buhay rin si Charlbi Dean, ang South African actress na lead star ng Triangle of Sadness.
Pumanaw si Charlbi noong August 29, 2022. Siya ay 32 years old.
Kaya nga sabi ni Dolly, nakababaliw na karanasan ang biyahe niya para sa campaign at promotional tour ng pelikula nila.
“Itong buong biyahe na 'to sobrang nakakabaliw talaga, as in namatay ang lead actress namin, si Charlbi Dean.
"Thirty two years old lang siya. Namatay siya bago pa ako makalipad sa Toronto so sobrang bittersweet talaga.
"Sabi ko nga sa sarili ko, 'Hindi ba puwedeng masaya lagi kahit sandali lang? Bakit kailangan laging may pagsubok na kasama?'
"Pero ganoon talaga ang buhay. Hindi naman laging masaya, meron talagang challenges na nangyayari.
"And that’s what makes us human and that’s what makes, I think, life beautiful.
"Kasi kung laging masarap, laging masaya, hindi natin maa-appreciate ang mga blessing na dumarating sa atin, di ba?
“Kapag may pain and suffering, mas matse-cherish natin ang good things.”
Postscript: Heart failure ang sanhi ng pagpanaw ng ina ni Dolly, samantalang viral infection sa baga ang dahilan ng paglisan ni Charlbi sa edad na 32.