Ipinagdiriwang ni Annabelle Rama ang kanyang ika-70 kaarawan ngayong Lunes, Ocober 31, 2022.
Hindi naman nakaligtas sa mapanuring mata ng netizens ang bumatang hitsura ng celebrity mother.
May mga nagkokomentong tila may ipinaayos si Annabelle sa kanyang mukha dahil walang mag-aakalang 70 years old na siya. May mga nagsasabi ring magkamukha na sila ni Aiko Melendez.
Pero imbes na magpaapekto, pinagtawanan lamang ni Annabelle ang mga haka-hakang nababasa niya.
Sa pamamagitan ng Facebook at Instagram post sa araw ng kanyang kapanganakan, mariing pinabulaanan ni Annabelle ang mga hinalang may ipinaayos siya sa mukha niya.
Pahayag niya (published as is), "Ang daming nag-comment na I look so young baka daw nagparetoke ako.
"Simula ng bata pa ako hanggang ngayon never akong nagpagawa sa mukha at sa buong katawan ko.
"What you see is what you get at unang-una, takot ako sa operation at injection."
Pinasalamatan ni Annabelle ang isang beauty clinic at ang mga bagong machine nito na dahilan umano ng pagbata ng kanyang hitsura.
Imbes na magalit o mainsulto, nagpasalamat siya sa lahat ng mga komento na natatanggap niya.
"Thank you sa mga negative at positive comments. Nag-enjoy akong basahin lahat at sa lahat ng nagmamahal sa akin at sa family ko DAGHANG SALAMAT," pahayag ni Annabelle.
Dinugtungan niya ito ng hashtag na "#ForeverYoung."
Si Annabelle ay misis ng veteran actor na si Eddie Gutierrez, at ina nina Ruffa at Richard Gutierrez.