Magsisimula nang tumanggap ng mga aplikante para sa Miss Universe Philippines 2023.
Tiyak na matutuwa ang mga kababaihang nangangarap maging beauty queen dahil sa mga katangiang hinahanap ng Miss Universe Philippines Organization.
Female, regardless of civil status, Filipino citizen, no height requirement, at may edad na 18 hanggang 27 ang mga kuwalipikasyon para maging kandidata sa Miss Universe Philippines 2023.
Para hindi malito ang mga aspiring beauty pageant contestant, nilinaw ni Miss Universe Philippines Creative Director Jonas Gaffud na tatanggap sila ng mga kababaihang aplikante na kasal, annulled, meron nang anak, at iba pa.
Alinsunod sa internal memorandum at patakarang ipinadala noong August 2022 ng Miss Universe Organization sa mga national director ang desisyon ng Miss Universe Philippines.
"We all believe that women should have agency over their lives and that a human's personal decisions should not be a barrier to their success,” bahagi ng memorandum ng Miss Universe Organization.
Tiyak na ikatutuwa ito ng mga kababaihang nabigyan ng pag-asa na magkaroon ng beauty title, kahit hindi na sila mga dalaga.
Idaraos ang 71st Miss Universe sa New Orleans, Louisiana, sa January 14, 2023. Ang Filipino-Italian na si Celesti Cortesi ang official candidate ng ating bansa.
Mag-uumpisang mabigyan ng pagkakataong lumahok sa 72nd Miss Universe ang mga kababaihang hindi katangkaran, meron nang anak, kasal o hiwalay sa asawa pero pasado sa kinakailangang edad.