Kasama na ang pangalan ni Annabelle McDonnell sa listahan ng dalawampu't siyam (29) sa mahigit animnapung (60) opisyal na kandidata sa Miss Charm International 2023 na idaraos sa Ho Chi Minh City, Vietnam, sa June 2023.
Si McDonnell ang kinatawan ng Misamis Oriental sa Miss Universe Philippines 2022 na ginanap sa Mall of Asia Arena noong April 30, 2022.
Siya ang hinirang na first runner-up ni Celeste Cortesi.

Ang Empire.ph ang may hawak ng karapatang magpadala ng kandidata ng Pilipinas sa Vietnam-based beauty pageant, at ang 22-year-old Filipino-British beauty queen ang kanilang pinili.
Ibinalita ito sa opisyal na pahayag na inilabas ng Empire.ph ngayong Martes, November 8, 2022.
Isinilang si McDonnell sa United Kingdom at lumaki siya sa Iligan City.
Isang “abandoned child” si McDonnell pero hindi nito hinayaang maging sagabal sa kanyang mga pangarap ang malungkot na kuwento ng buhay niya kaya nanalo at nagkaroon siya ng puwesto sa lahat ng mga beauty pageant na sinalihan.
May taas na 5’9" si McDonnell.
Sa kasalukuyan, Consular and Diplomatic Affairs ang kanyang kurso sa De La Salle College of Benilde.
Ikinatuwa ng mga supporter ni McDonnell ang pasya na siya ang ipadala sa Miss Charm International 2023 dahil buong-buo ang tiwala nila sa dalaga na inaasahang maghahatid ng karangalan sa Pilipinas.
Kinilala ng Miss Charm International Organization ang appointment kay McDonnell bilang official representative ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga congratulatory post sa lahat ng social media platforms nila.