“He’ll be back soon!” pahayag ni Arnold Clavio tungkol kay Mike Enriquez, na matagal nang hindi napapanood sa 24 Oras dahil sa kanyang medical condition.
May kinalaman ang deklarasyon ni Arnold sa mga nagtatanong tungkol sa matagal na pagkawala ni Mike sa primetime newscast ng GMA-7.
Tinawagan ni Arnold si Mike sa telepono ngayong Huwebes ng umaga, November 10, 2022, ang nagpapahingang multi-awarded broadcast journalist para mabigyang-linaw ang fake news na kumalat na namayapa na ang kanyang kapwa Kapuso broadcaster.
Read: Mike Enriquez sa "fake news" na pumanaw na siya: “I’m alive!”
“He’s well. Masigla ang boses nang makausap ko sa phone kanina. He said, ‘FAKE NEWS,'” sabi ni Arnold sa mensaheng ipinarating niya sa Cabinet Files ilang oras matapos kumalat ang fake news.
Binaha ng tawag sa telepono ang DZBB radio station mula sa mga taong nabahala sa balita na kanilang nasagap.
Ang Facebook post ng character actress na si Loly Mara na namayapa na si Mike ang pinagmulan ng isyu.
Nakita ng singer na si Richard Merk ang post ni Loly kaya isinulat niya sa kanyang Facebook account ang pakikiramay sa mga "naulila" ni Mike.

Inihingi na ni Loly ng paumanhin ang kanyang pagkakamali at binura na rin niya ang post tungkol sa fake news na pagpanaw ni Mike.

Binura na rin ni Richard ang post nito, pero ni-repost niya ang apology post ni Loly sa kanyang Facebook page bilang pruweba na ang character actress ang source ng walang katotohanang balita.