May dahilan para magbunyi ang masusugid na tagahanga ng love team nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap dahil magkakaroon ng reunion project ang dalawa sa telebisyon.
Bagamat magkaiba na sila ng networks na kinabibilangan, magsasama muli sina Jodi at Richard sa teleseryeng mapapanood sa GMA-7.
Nabuo ang kinagiliwang love team nina Jodi at Richard nang magtambal sila sa Be Careful with My Heart, ang romantic-drama series na sinubaybayan sa Kapamilya Network mula July 9, 2012 hanggang November 28, 2014.

Noong December 16, 2020, lumipat si Richard sa GMA-7 kaya nawala ang pag-asa ng supporters nila ni Jodi na magkakasama pa sila sa isang TV series.
Read: Richard Yap signs up with GMA Artist Center, leaves ABS-CBN after 9 years
Pero mali ang kanilang akala dahil kasado na ang proyekto ng dalawa.
Muling mapapanood sa telebisyon sa 2023 ang love team nina Richard at Jodi dahil sa partnership deal ng GMA Network at ng ABS-CBN.
Hindi pa naglalabas ng official statement ang magkabilang-panig tungkol sa proyektong gagawin nila, pero nauna nang kumalat ang larawang kuha mula sa meeting na nangyari ngayong linggo at dinaluhan nina Cory Vidanes, Chief Operating Officer for Broadcast of ABS-CBN, at Atty. Annette Gozon-Valdes, Senior Vice Presdient of GMA.
Makikita sa LED backdrop ng pagtatagpo nina Vidanes at Gozon-Valdes ang mga logo ng GMA-7, ABS-CBN, at ng production company na Dreamscape Entertainment.

Cory Vidanes (left) and Annette Gozon-Valdes
Ang Dreamscape ang entertainment division ng Kapamilya Network at producer ng Ang Probinsyano, May Bukas Pa, Flower of Evil, The Broken Marriage Vow, at marami pang iba.
Kinumpirma sa Cabinet Files ng isang nakakaalam sa kuwento na tuloy na tuloy na ang reunion project nina Jodi at Richard sa telebisyon na ipo-produce ng Dreamscape Entertainment at ipalalabas sa GMA7.
Nakalagay rin sa LED backdrop ang pamagat na Unbreak My Heart na ipinapalagay na magiging titulo ng upcoming romantic TV series nina Jodi at Richard.
At dahil joint project ng Kapamilya at Kapuso Network ang Jodi-Richard starrer, tiniyak ng PEP source na mga artista ng GMA-7 at ABS-CBN ang makakasama ng magbabalik-telebisyon na love team.