Isang suave at debonair-looking DJ Loonyo ang humarap sa entertainment writers nitong Miyerkules ng tanghali, November 16, 2022, para sa press conference ng Loonyoverse.
Ang Loonyoverse ay ang kanyang ambitious concert na itatanghal sa December 8 sa Matrix Creation Events Venue, Quezon City.
May kinalaman ang transformation o reinvention sa sarili ni DJ Loonyo sa pasya nitong pasukin na rin ang pagkanta dahil naging inspirasyon niya ang mga sikat na P-Pop group tulad ng SB19 at BGYO.
Lahad niya, “Noong nasa China po ako, wala sa plano itong kanta-kanta na 'to. Ito na lang yung calling ng isang performer na naabot na ang ceiling as a dancer, so what’s next?
“Hinahanap ng katawan ko yung performance. Hinahanap ng katawan ko yung choreography.
“Gumawa ng something na puwedeng i-offer sa tao so might as well take a challenge sa buhay ko na matutong kumanta, matutong gumawa ng music. Kasi at the end of the day, I am a DJ, I am a choreographer. Yun na lang ang kulang para makumpleto yung music journey ko,”
Nakapaninibago ang hitsura ni DJ Loonyo dahil sa kanyang sariling salita, hindi na masang-masa ang hitsura niya.
“Dati kasi, ang look ni Loonyo, more on masa, masang-masa. Now, I understand na kapag gusto mong pumunta sa mas mataas is you really need to dress up na ganito yung level. Kung ano yung gusto mong gawin sa buhay.
“Like for example, if you wanna be an idol sa lahat ng mga tao, kailangan mong isapuso yun.
"So, part ng pagsasapuso is feeling the coat, feeling yung mga suot namin."
Halos tatlumpo ang bilang ng mga bagong kanta na nilikha ni DJ Loonyo at ng kanyang mga kasama para sa Loonyoverse.
Isang ambisyosong proyekto ang Loonyoverse dahil may dalawang pagtatanghal sa isang araw—ang matinee show sa ganap na alas-tres ng hapon at ang 7 p.m. gala show na ikinumpara niya sa Netflix streaming site.
Saad niya, “We recorded at least thirty [30] songs in two months for the whole concert, so ganoon namin siya talagang pinaghirapan.
“Hindi siya pucho-pucho na tulad na dating concert namin. Ang kaibahan, dati, magda-download lang kami ng music sa YouTube.
“Ngayon, nag-uusap kami. Sabi ko, kailangan natin ng ng opening [number] na malakas ang impact so we will make a song na malakas ang impact.
“Ang mangyayari, ang lahat ng maririnig nila [na kanta] sa Loonyoverse, unreleased tracks.
“Para kayong nanood ng Netflix kasi hindi naman natin alam talaga kung anong nangyayari sa Netflix, pero yung experience na ibinibigay sa pelikula, yun ang naiintindihan natin.
“It’s the same thing with Loonyoverse, yung gusto namin ipahiwatig is we’re creating a whole another experience [para] sa manonood."
Pagpapatuloy ni DJ Loonyo, “This is a three-year plan and this is the kick-off. Magiging malaking-malaki itong universe na ito!
“Parati akong nagdyo-joke sa kanila, ibabalik ko ang pera nila kapag hindi sila nag-enjoy.
“Parati kong nire-remind ang mga kasama ko sa studio na, ‘Guys, lahat ng mga ‘yan, pinag-ipunan nila yung pera. Hindi iyan pinulot nang basta-basta lang so I want to give them the best. Ayoko ng mediocre na performance o show.’”