Ang bigyan ng atensiyon at panahon ni Jake Zyrus, dating Charice Pempengco, ang kanyang nakababata at nag-iisang kapatid na si Carl ang tanging hiling ng kanilang ina na si Raquel Pempengco.
Isinugod ang 27-year-old sibling ni Jake sa isang ospital sa Muntinlupa City noong Biyernes ng umaga, December 9, 2022, dahil nagkaroon siya ng mild stroke habang sakay ng kanyang motorsiklo.
Nakabitiw si Carl sa sinasakyanng motorsiklo na bumaligtad sa kalsada kaya nagtamo siya ng mga sugat sa ulo at katawan.
Ang mga rescuer ng Muntinlupa City na saksi sa aksidente ang nagdala sa kanya sa ospital.
Bukod sa mga sugat, tumaas ang blood pressure ni Carl, hindi niya maigalaw ang kaliwang bahagi ng kanyang katawan, hindi makapagsalita at makahinga kaya sumailalim siya sa iba’t ibang klase ng pagsusuri tulad ng CT scan at ECG.
Habang nasa emergency room si Carl ng ospital, nagpadala siya ng mensahe kay Jake. Pero hindi umano ito sumagot na dahilan para muling manawagan ang nanay nila.
“Sana naman, mabigyan ni Jake ng pansin ang kanyang kapatid. Sana makarating sa kanya ang kalagayan ni Carl.
“Bago naaksidente si Carl, nabasa ko pa ang message niya para kay Jake na ‘Sana magkasama-sama tayo ngayong Pasko. Kahit sana ngayong Pasko lang, makumpleto tayong tatlo. Kahit ngayon lang, dude…’
“Ako kasi, hindi na umaasa dahil pitong taon na kaming hindi nagkakasama. Kahit ang mga message ko sa kanyang Instagram, hindi niya sini-seen. Sanay na ako.
"Kaya mula nang namatayan ako ng mga kamag-anak, hindi na ako nagme-message sa kanya.
“Sana, kahit ang kapatid na lang niya ang kanyang pansinin at kahit wala nang Pasko dahil sanay na ako na hindi kami kumpleto,” malungkot na pahayag ni Raquel sa Cabinet Files nitong Martes ng hapon, December 13, 2022.
Ang ina at kapatid ni Raquel na magkasunod na pumanaw noong April 2022 ang kanyang tinutukoy na mga kamag-anak na namatay.
Pero wala umano silang narinig mula kay Jake nang iparating nila ang malungkot na balita sa singer.
Read: Raquel Pempengco reacts to statement of Jake Zyrus's camp about death of singer's grandmother, uncle
Kasalukuyang naninirahan si Jake sa Amerika kaya mula noon ay hindi na raw ginambala ni Raquel ang panganay na anak.
Muling sinusubukan ni Raquel na makipag-ugnayan kay Jake dahil baka sakaling hindi nito matiis ang naaksidenteng bunsong kapatid na mahal na mahal niya.