Naganap ang unveiling ng “Force for Good,” ang ika-labindalawang (12) korona na ipuputong sa ulo ng mapalad na kandidatang magwawagi sa coronation night ng 71st Miss Universe, sa True Icon Hall ng Icon Siam sa Bangkok, Thailand, ngayong Lunes ng hapon, December 19, 2022.
Nakatakda namang idaos ang Miss Universe 2022 sa New Orleans Morial Convention Center, New Orleans, Louisiana, USA, sa January 14, 2023.
Pinangunahan ni Anne Jakrajutatip, ang Thai transgender woman billionaire na bagong may-ari ng Miss Universe Organization, ang unveiling ng korona.
Ang bagong Miss Universe crown ay nagkakahalaga ng US$6 million at nilikha ng Mouawad, ang Switzerland-base private jewelry company na nabuo ang partnership sa Miss Universe Organization mula pa noong 2019.
Ang Mouawad ang gumawa ng "Power of Unity," ang koronang ginamit ng Miss Universe winners na sina Zozibini Tunzi ng South Africa (2019), Andrea Meza ng Mexico (2020), at Harnaaz Sandhu ng India (2021).
Pagsasalarawan ng Miss Universe Organization sa korona ng Force for Good: “The Mouawad Miss Universe Force for Good Crown is a work of extraordinary craftsmanship, completely crafted and set and by hand total 993 stones setting, featuring 110.83 carat of blue sapphire and 48.24 carat of white diamond in a design that evokes The Miss Universe Organization’s belief in a future forged by women who push the limits of what’s possible and the incredible women from around the world who advocate for positive change.”
Wait, there’s more!
Inaasahang magkakaroon ng mga pagbabago sa Miss Universe Organization (MUO) sa ilalim ng pamumuno ni Anna, tulad ng diumano’y pagnanais nitong siya ang magputong ng korona sa hahalili o papalit kay Harnaaz, ang reigning Miss Universe.
Tiyak na pagsisimulan ito ng isyu at kontrobersiya.
Sa kasaysayan ng Miss Universe, ang outgoing titleholder ang nagsasalin ng korona sa successor niya, hindi ang may-ari ng beauty pageant na itinuturing na pinaka-prestihiyoso sa buong mundo.
Pero nanganganib mawala ang ningning at mabawasan ang kredibilidad ng Miss Universe kapag ipinilit ni Anne ang kanyang mga personal na interes.