Ang aktres at dating Tacloban City mayor na si Cristina Gonzales ang itinanghal na Philippines Noble Queen Universe 2022 sa coronation ceremony na ginanap sa Prince Hotel sa Tokyo, Japan, nitong Miyerkules ng hapon, December 29, 2022.
Si Cristina ang kinatawan ng Philippines-Visayas sa kauna-unahang beauty at advocacy pageant na sinalihan niya.
Read: Cristina Gonzales, sasabak sa kanyang kauna-unahang beauty pageant
Si Leira Buan ng Philippines-Mindanao ang Noble Queen International 2022; Noble Queen Earth ang Philippines-Luzon representative na si Sheralene Shirata; Noble Queen of the Universe LTD si Marjorie Renner ng Amerika; Noble Queen Globe si Yuko Noguchi ng Japan; si Jenny Miglioretto ang Noble Queen of the Universe Tourism; at Advocate Queen naman si Ratchell Catt ng Guam.

“Thank you Noble Queen for this opportunity to serve and share my advocacies," pasasalamat ni Cristina, na hinirang din bilang “Ambassador Queen of Humanity.”
Sa panayam kay Cristina ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) ilang araw bago siya lumipad sa Japan para sa crowning and awarding ceremony ng Noble Queen, sinabi niyang hindi siya nagdalawang-isip tanggapin ang imbitasyon na lumahok sa naturang beauty pageant dahil sa kanyang mga charity work.
“Medyo magagamit ko whatever crown I get in Japan. I will be continuing my work with Noble Queen Foundation and in doing a lot of charity works.
“Maganda siya, it’s still philanthropy, which is in line with what I’ve been doing sa public service,” pahayag ni Cristina.
Nagdilang-anghel si Cristina dahil nakuha niya ang top crown ng Noble Queen Universe 2022.
Ang Noble Queen Universe Ltd. National Director na si Patricia Javier ang isa sa mga pinasalamatan ni Cristina dahil ang kapwa niya aktres ang nagkumbinsi sa kanyang subukan ang kapalaran sa nabanggit na beauty pageant.
“In-encourage ako ni Patricia. Sabi niya, ‘Sis at least, in line sa mga ginagawa mo sa politics at advocacy mo.’
“Sabi ko, okay. It really looks like a noble endeavor to join,” lahad ni Cristina.