Hindi na ikinagulat ng karamihan sa mamamayang Pilipino ang desisyon ng Branch 197 ng Regional Trial Court ng Las Piñas City na pawalang-sala si Juanito Jose Remulla III sa kaso ng pag-iingat ng bawal na gamot o paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165, ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Si Juanito Jose ay anak ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin "Boying" Remulla.
Inaresto siya noong October 11, 2022 dahil tinanggap niya ang pakete na mula sa Amerika na nakapangalan sa kanya at naglalaman ng 900 grams ng kush, isang mataas na uri ng marijuana na nagkahahalaga ng P1.3 million.
Nagsalita noon si Secretary Remulla na hindi ito makikialam sa kaso ng kanyang kanyang anak dahil paiiralin niya ang hustisya.
Pahayag niya: “I am both a father and the Secretary of Justice, roles that I take seriously. We all know about unconditional love, but at 38 years old, he will have to face his predicament as a fully emancipated child. I have to abide by the oath of office I took when I assumed this position.
"This is a very difficult time for me and my family, but this is nothing compared to what so many Filipinos are going through. I will respect the justice system."
Ngayong Biyernes ng umaga, January 6, 2023, pinaboran ng korte si Juanito Jose nang ipinag-utos ni Acting Presiding Judge Ricardo Moldez ll na palayain ang akusado dahil sa kakulangan umano ng mga ebidensiya.
Isa ang veteran broadcast journalist na si Arnold Clavio sa mga nagpahayag ng pagtataka sa pasya ng korte at naglabas ng kanyang damdamin tungkol sa pagkakaabsuwelto ng anak ni DOJ Secretary Remulla sa kasong kinasasangkutan nito.
“Ikaw ang umorder.
"Ikaw ang tumanggap.
"Ikaw ang nag-uwi sa bahay.
"Ang info ng PDEA nang delivery ng high grade cocaoine ay galing sa USDEA.
“Verdict: “ABSUWELTO” dahil sa kakulangan ng ebidensya.
"Huwaw!!!” social media post ni Arnold.