Mga runner-up sina Dolly De Leon at Nina Hoss sa best supporting actress category winners ng National Society of Film Critics Awards 2023 ng American film organization.
Si Kerry Condon ang nagwagi ng naturang parangal.
Nanalo si Kerry para sa karakter na ginampanan niya sa The Banshees of Inisherin, samantalang kinilala ang pagganap ni Dolly sa Triangle of Sadness at ni Nina sa Tár.
Umalis ng Pilipinas si Dolly papunta sa Amerika kahapon, January 7, 2023, dahil sa kanyang nominasyon sa best supporting actress category ng 80th Golden Globe Awards.
Nominado si Dolly para sa Triangle of Sadness kaya dadalo siya sa gabi ng parangal ng Golden Globes na magaganap sa January 10, 2023 sa Beverly Hilton, Beverly Hills, California.
Read: Dolly de Leon nabs nomination for Best Supporting Actress in Golden Globes 2023
Tiyak na rin ang pagdalo ni Dolly sa annual banquet ng Los Angeles Film Critics Awards sa January 14. Magkasama sila ng Vietnam-born American actor na si Ke Huy Quan na pararangalan bilang best supporting performers para sa kanilang mahusay na pag-arte sa Triangle of Sadness at Everything Everywhere All At Once, respectively.
Read: Dolly de Leon, napiling best supporting performer ng Los Angeles film critics
Bago lumipad si Dolly sa Amerika, natanggap niya ang magandang balitang kasama rin ang kanyang pangalan sa mga pinagpipilian sa round two ng mahabang listahan ng pagbobotohan para maging mga opisyal na nominado sa kategoryang best supporting actress ng 2023 British Academy of Television and Arts (BAFTA).
Bukod kay Dolly, kasali sa longlist ng best supporting actress category ng 2023 BAFTA sina Angela Bassett (Black Panther: Wakanda Forever), Hong Chau (The Whale), Kerry Condon (The Banshees of Inisherin), Jamie Lee Curtis (Everything Everywhere All At Once), Lashana Lynch (The Woman King), Janelle Monáe (Glass Onion: A Knives Out Mystery), Carey Mulligan (She Said), Emma Thompson (Matilda The Musical), at Aimee Lou Wood (Living).