Isang thriller movie ang bagong proyekto ni Nadine Lustre sa Viva Films kasunod ng Deleter.
Ang Deleter ang top grosser sa 48th Metro Manila Film Festival (MMMF) dahil kumita ito ng P233.68 million mula December 25, 2022 hanggang January 7, 2023.
Read: MMFF 2022 box office: Deleter naka-P234M; last placer naka-P1.5M lang
Inaasahang madaragdagan pa ang box-office gross ng Deleter, na isang surprise hit movie, dahil extended ang pagpapalabas nito sa isandaang (100) sinehan sa buong Pilipinas at magbubukas na rin sa mga cinema sa iba’t ibang bansa.
Ang Deleter ang hudyat na aktibo na muli ni Nadine sa paggawa ng mga pelikula matapos ang halos dalawang taong pamamahinga.
Ang pagiging masigla at magiliw ni Nadine ang napansin ng entertainment press nang dumalo siya sa mga media conference ng Deleter at sa Gabi ng Parangal ng MMFF 2022 noong December 27, 2022.
Marami ang naniniwalang malaki ang impluwensiya kay Nadine ng kanyang French-Filipino boyfriend na si Christopher Bariou kaya inspirado siya sa pagbabalik-showbiz.
Read: Nadine Lustre dedicates MMFF Best Actress award to boyfriend Christophe Bariou
Si Mikhail Red ang direktor ng Deleter na itinanghal na best picture sa MMFF 2022 Gabi ng Parangal.
Tiyak na masusundan pa ang mga proyekto niya sa Viva Films dahil, diumano, may balak na magbukas ng studio outfit na bago na pamamahalaan niya.
Maligayang-maligaya si Mikhail sa box-office success ng Deleter dahil bago niya inumpisahan ang shooting ng pelikula, walang-wala sa kanilang planong sumali sa MMFF.
Isang sorpresa rin sa kanyang pinilahan sa takilya ang Deleter na isang R-rated movie na hindi karaniwang nangyayari sa December film festival.
“Big surprise for us nga yung MMFF kasi malaking platform na mapapanood ng maraming Pilipino,” sabi ni Mikhail.
Ayon sa direktor, "revenge viewing" ang tawag sa pagtangkilik ng publiko sa kanyang pelikula dahil nasabik ang marami na bumalik sa panonood sa mga sinehan.