Pieta ang pamagat ng pelikulang pagsasamahan ni National Artist Nora Aunor at ng actor-politician na si Alfred Vargas.
Pero ibang-iba ang kuwento ng proyektong gagawin nila sa Pieta, ang 1983 movie nina Charito Solis at Ace Vergel.

Si Adolf Alix Jr. ang direktor at si Jerry Gracio ang sumulat ng kuwento ng Pieta na gagawin nina Nora at Alfred.
Nakatakda ngayong Sabado ng hapon, February 4, 2023, ang story conference ng Pieta.
Para kay Alfred, katuparan ng pangarap niyang makatrabaho ang legendary at multi-awarded actress.
“One check ito sa bucket list ko and I can only imagine na sa red carpet, to walk with Nora Aunor, National Artist pa!
"For me, yun ang guise ng feelings ko na I’m just excited to work with Nora Aunor,” sabi ni Alfred.
Nangako ang aktor na gagawin ang lahat para hindi siya mapahiya kay Nora.
Saad niya, “Nag-meet na kami. Nakakataba ng puso na malaman na hindi pala lahat ng projects, tinatanggap niya.
“Suwerte akong nakita niya itong project with me na something worth doing, being who she is. The star and the National Artist that she is, e, nakakataba ng puso.
“I will do my best here. Gagamitin ko lahat ng kaalaman ko, talento ko, ilalabas ko talaga kasi the Superstar deserves nothing less.”
Isang ex-convict ang karakter na gagampanan ni Alfred sa Pieta, at si Nora ang gaganap bilang nanay niya.
Nang malaman ni Alfred na si Nora ang bidang babae, tinanggap niya agad ang proyekto dahil mahirap pakawalan ang isang napakalaking oportunidad.
“Sa plot pa lang, saka sa character, sa material, tinanggap ko.
“Tapos nung nalaman ko na first choice si Nora Aunor, sabi ko, game!” ani Alfred.
Bata pa at wala sa isip ni Alfred na pasukin ang pag-aartista nang una niyang makita si Nora sa tahanan nila.
Walang-wala sa isip ni Alfred na darating ang panahong magkakasama sila sa proyekto ng aktres na itinuturing na national treasure.
“Noong bata-bata pa ako, nagkakasama sila ng mother ko. Nakikita ko siya, nakaka-starstruck.
“Actually, kahit noong na-meet ko siya this year, na-starstruck pa rin ako. Nag-meet kami sa bahay niya mismo,” lahad ni Alfred.