Muling pumirma si Cristine Reyes ng kontrata sa Viva Artists Agency kaya makalipas ang labinlimang (15) taon, mananatili siyang contract star ng talent management agency ng Viva Entertainment.
Halos maluha si Cristine nang humarap siya sa mga miyembro ng entertainment media nitong Biyernes ng hapon, February 10, 2023, habang inilalahad niya ang taus-pusong pasasalamat sa home studio na nagtiwala nang lubusan sa kanyang kakayahan bilang aktres.
Pahayag niya, “Nagpapasalamat ako. I have been here in the industry for twenty years and with Viva for fifteen years, so hindi ko ito ine-expect. I am very grateful, medyo teary-eyed ako.
“Hindi ko ine-expect na tatagal ako nang ganoon sa industriya. Noong nagsisimula pa lang ako, batang-bata pa akong masyado, hindi ko iniisip.
“Nakaka-overwhelm kapag sinasabi na twenty years, fifteen years with Viva. Nakaka-overwhelm.”
Bakas na bakas kay Cristine ang taglay na maturity dahil sa mga aral ng buhay na kanyang natutunan.
Hindi ipinagkaila ni Cristine ang naramdamang pangamba sa maaaring mangyari sa kanyang acting career nang ipagbuntis niya ang anak na si Amarah, pero nawala ang lahat ng takot dahil buong-buo ang suporta na ibinigay ng Viva.
“I was contemplating back in the day when I wanted to wish to have my own family, settle and live a peaceful life and I thought, I would succeed but you know, I failed.
“Nevertheless, I prayed talaga. Kaya pa ba? Kasi usually maraming mga bago na pumapasok. Marami na rin ang magagaling that’s why I’m really thankful kasi kung ano ang meron ako ngayon, pinapahalagahan ko siya talaga kasi ayoko nang mawala.
“Actually, lahat naman ng mga tao sa paligid ko, lagi naman nila akong nire-remind, especially Ate VR [Veronique del Rosario-Corpus, her manager], to take things seriously and all that.
“It’s just that, siguro yung turning point in my life was when I hit rock bottom and …. ah nawala ang lahat sa akin.
“Ang hirap noon. Nasaktan talaga ako noon that’s why I’m very thankful that I am here with Viva kasi they trusted me all the way unil after everything so yung trust na yon, ayokong biguin,” saad ng StarStruck alumna.
Read: Cristine Reyes, tapos na ang pasaway days
Sinabi ni Cristine na malaki ang kinalaman ni Amarah sa paggawa niya ng mga desisyon dahil ang anak ang kanyang unang isinasaalang-alang.
“Malaking factor si Amarah sa mga life decision ko and I think she straightened up my life.
“Siya yung fortress ko. Siya talaga yung kapag ano na ako, kapag lost na ako, I would go back and just… tinitingnan ko lang siya, napakainosente.
“I wanna give her everything that I didn’t have. I am happy that I have a child napakabait, napakatalino.”