Kung sakaling lalahok siya sa isang national beauty pageant, ang Miss Universe Philippines ang nais salihan ng Kapuso actress na si Sanya Lopez.
Pero imposible pang mangyari dahil nakatuon ang atensiyon at panahon niya sa mga proyektong ibinibigay sa kanya ng GMA-7.
Si Sanya ang isa sa mga panauhing pandangal sa engrandeng pagbubukas ng Tokyo Grill, ang unlimited Japanese restaurant sa Tomas Morato Avenue, Quezon City, nitong Biyernes ng umaga, March 10, 2023.
Ang restaurant ay pag-aari ng businessman at social media influencer na si Wilbert Tolentino.
Si Wilbert ang nag-udyok sa kanyang talent na si Herlene "Hipon Girl" Budol na sumali, at nanalong first runner-up sa 58th Binibining Pilipinas, noong April 2022.
Matalik na magkaibigan sina Wilbert at Sanya kaya tinanong ang una kung tulad ni Herlene, may plano rin ba siyang himuking sumali sa beauty contest ang lead actress ng Mga Lihim ni Urduja.
“Actually, last year niya for this year. Baka possible po,” sagot ni Wilbert tungkol sa pagsali ni Sanya sa mga beauty pageant.
Sinabi ni Wilbert na huling taon na ni Sanya para lumahok dahil 26 years old na ito, at mula 18 hanggang 27 lamang ang edad ng mga kababaihang maaaring sumali sa mga beauty contest.
“Sisterakas ko siya ever since. Super close kami.
"And nung mag-start ako sa vlogging, isa siya sa mga naka-collab ko kaya hinatak ko siya,” dagdag na impormasyon ni Wilbert tungkol sa pagsisimula ng relasyon nila ni Sanya bilang magkaibigan.
Hindi isinasantabi ni Sanya ang posibilidad na pagsali nito sa isang beauty pageant dahil siya ang kinatawan ng lalawigan ng Bulacan at hinirang na first runner-up sa Reyna ng Aliwan pageant noong 2014.
“Sabi nga raw,” reaksiyon ni Sanya nang malaman nito ang pagnanais ni Wilbert na isali siya sa beauty contest.
“Pero siyempre, ang daming projects na ibinibigay ng GMA-7 at ako, sobrang happy ako sa mga ibinibigay kaya ang hirap niyang iwan.
“If ever, nararamdaman naman natin na papunta tayo dun, bakit hindi natin i-push?
“But right now, ang puso ko nandoon pa sa trabaho na mahirap iwan kasi napamahal na po ako doon.”
Bilib daw si Sanya sa mga sumasali sa mga beauty contest dahil hindi ito madali at talagang nakakakaba, tulad ng kanyang naranasan sa Reyna ng Aliwan 2014.
“Miss Universe Philippines,” walang pag-aalinlangan namang sagot ni Sanya nang itanong ng Cabinet Files ang beauty pageant na kanyang napupusuang salihan.
“But I heard si Michelle Dee, kasama ko siya sa [Urduja], magdyo-join again ng pageant, and sabi niya sa akin, suportahan ko siya. Of course!”
Matagal namalagi si Sanya sa bagong restaurant ni Wilbert kaya personal niyang nakita si Tomodachi, ang waiter robot na nagsilbi sa mga bisita ng Tokyo Grill.

Si Simon Cua ng MySolutions ang nagpaliwanag tungkol sa kakayahan ng mga waiter robot dahil ang kanilang kompanya ang exclusive distributor sa Pilipinas ng mga aparatong ginagamit na rin sa mga fastfood restaurant tulad ng Jollibee at Dunkin Donuts.
“Capable siyang magsilbi sa 250 to 300 tables in a day.
“Kaya niyang i-sense kapag may mga taong dumaraan. We do once in a while maintenance.
"Pero ang advantage niya talaga, it helps all the waiters. Bumibilis ang food serving.
“Marami sa mga customer ng restaurants, bumabalik dahil sa mga waiter robot. Meron sa Jollibee, si Jollibot,” kuwento ni Cua tungkol sa mga waiter robot na popular na ginagamit sa mga restaurant sa Europe at sa Japan.