“Ah, ganoon po ba iyon? Inisnab po pala ako ng The Voice,” ang napilitan at natatawang reaksyon ng 19-year-old singer na si Rob Deniel, dahil iginiit ng isang reporter na pang-iisnab ang ginawa sa kanya ng The Voice Philippines noong 2019.
Si Rob ang sumulat at umawit ng "Ulap," ang hit song na unang napansin sa TikTok noong pandemya at naging daan para hanapin siya at papirmahin ng recording contract ng mga namamahala sa Vicor Music.
Read: "Ulap" singer Rob Deniel shrugs off comparison to JK Labajo
Bago sumikat nang husto sa TikTok ang "Ulap," sinubukan ni Rob na sumali sa The Voice Philippines sa pamamagitan ng online auditions at pagpapadala sa email ng kanyang audition piece.
“Nag-send po ako ng email. Nag-online audition po ako pero feeling ko, wala naman nangyari.
"Dun ko naisipan na sumali kasi ang daming mga teenager na sumasali sa The Voice at nakakakuha sila ng attention mula sa mga tao kaya before, gusto kong makakanta sa ganoong auditions, live auditions,” kuwento ni Rob tungkol sa pagsubok niya na sumali sa The Voice Philippines noong 2019.
Pero kahit nabigo, hindi siya nawalan ng pag-asa.
“Sinabi ko sa sarili ko na soon, may mangyayari rin naman sa akin at mas may mararating ako sa singing."
Nagkatotoo naman ang sinabi niyang ito sa sarili, dahil sa sariling salita niya, "sumabog" sa TikTok noong June 2020 ang sa kanyang original composition na "Ulap."
“It was all because of 'Ulap.' Nag-trend siya sa TikTok like, everywhere, ginagamit yung music and then, hinatak nila [Vicor Music] ako. Na-shock ako. Sixteen years old pa lang ako nung time na iyon. Parang hindi ko po talaga inaasahan na mangyayari iyon.
“Parang habang bata pa ako, na-adapt ko na, mas naintindihan ko na marami pa akong puwedeng gawin para mas malaro itong nakukuha ko na popularity.
“Mas marami pa akong bagay na makakaya na ipakita sa mga tao.”
Tungkol sa walang kamatayang pag-ibig ang bagong hit song ni Rob, ang "Ang Pag-Ibig" na meron nang 90 million streams sa Spotify at YouTube na indikasyon na may napatunayan na talaga ang young singer na minsan nang inisnab ng The Voice Philippines.
“[Tungkol] sa iba’t ibang sides ng love ang 'Ang Pag-Ibig.'
“May malungkot na side ng love, may masaya na side ng love at yun ang parang nire-represent ng music ko.
“Based sa experience ng ibang mga tao, ng magulang ko, lolo, lola ko kasi yung song is about endless love.
“Panghabambuhay na pag-ibig na nakikita ko sa mga magulang ko na hindi ko na nakikita ngayon sa mga kabataan na papasok sa relationship 'tapos after one week, wala na,” paliwanag pa ni Rob tungkol sa bagong single niya.