Patuloy ang imbestigasyon ng Quezon City Police District Traffic Sector 5 sa aksidenteng nangyari sa harap ng New Intramuros Village sa Commonwealth Avenue, Quezon City, noong Biyernes, March 24, 2023.
Ang naturang aksidente ang kumitil sa buhay ng aspiring actor na si Andrei Sison, at sa dalawang kasama nitong sina Paolo Bueza at Arman Velasco.
Read: Sparkle artist Andrei Sison, 17, dies in car accident
Nakaligtas naman sa trahedya si Josh Ford, na gaya ni Andrei ay contract star din ng Sparkle GMA Artist Center.
Lulan ang mga biktima ng BMW car na bumangga sa pader ng New Intramuros Village noong Biyernes ng madaling-araw.
Sa panayam ng Cabinet Files, nagbigay ng ilang detalye si Police Executive Master Sergeant Hermogenes Campanero Fortes Jr. ng Traffic Sector 5 tungkol sa imbestigasyong ginagawa ng kanilang tanggapan.
Pahayag niya, “Kasalukuyan pa pong iniimbestigahan. Nangangalap pa po kami ng mga CCTV, nag-request na po kami.
“Wala pa rin po ang resulta ng autopsy [sa mga biktima]. Pangangalap ng mga ebidensiya na puwedeng gamitin ang aming ginagawa.”
Ayon pa kay Fortes, maghahain ng reklamo ang driver ng Ford EcoSport SUV car na nadamay sa naganap na aksidente dahil sumabit sa sasakyan niya ang BMW.
“Baka mai-file na namin yung kaso. Yung sinabitan ng Ford EcoSport, yun ang magko-complain.
“Sa gitna kasi [ng kalsada] para kang dumaan sa buwan, yung dalawang lane na nasa tabi, yung isa doon, bike lane. May mga plastic barrier.
“Itong driver ng EcoSport, dun na talaga siya naka-steady, e.
"Komo mabilis nga yung BMW, siguro galing sa gitnang kalsada, naramdaman nila na parang corrugated yung dinaraanan nila, lubak-lubak talaga from PLDT to Don Antonio Heights, para kang dumaan sa buwan.
“Komo mabilis siguro, nararamdaman nila na tumatalbog-talbog sila, tumabi sila. Pagtabi nila, komo mabilis, hindi nila akalain na aabutin yung EcoSport dahil nasa 50 to 60 kmph lang daw ang takbo ng driver.
“So, papunta na sila sa bike line. Nag-alangan siguro kasi may nakitang plastic barrier sa kabila, gustong bumalik uli sa buntot ng EcoSport kaso tumama sila sa huling taillight at gulong ng EcoSport.
“Pagkabig nila, tuluy-tuloy na pakanan papasok ng New Intramuros Village.
“Makikita naman na paakyat yung New Intramuros, tapos lumipad yung BMW, tumama sa dating police station ng Station 6, then bumalandra sila sa pader ng New Intramuros gate kaya halos napipi yung sasakyan nila."
Napag-alaman ng mga imbestigador na inarkila lamang ang BMW car, kung saan si Bueza ang nagmamaneho.
Nakipag-usap na raw ang mga kamag-anak ni Bueza sa police authorities.
Ayon kay Fortes, “Wala pang nakikipag-ugnayan sa amin, yung kamag-anak lang ni Paolo Bueza, siya yung driver ng BMW.
“Yung ibang kamag-anak hindi pa nagpupunta dito maliban sa kamag-anak ni Bueza.
“Wala kaming mga nakuhang driver license or ID kasi pagdating ng responder namin, nauna na yung mga rescuer.”
Isinugod sa East Avenue Medical Center ang mga biktima, pero tanging si Josh ang milagrong nakaligtas.
Sinabi ni Fortes na napag-alaman nilang nakalabas agad si Josh mula sa ospital na nangangahulugang hindi matindi ang mga sugat na tinamo nito.
“Ang sabi sa amin, nakalabas din ng araw na yon mula sa ospital si Josh. So, ibig sabihin, hindi fatal [ang injuries].
“May pumunta rin dito mga babae, teenager din, pinsan daw ni Josh, hinahanap yung cellphone niya. Yun ang concern nila dahil hinahanap daw talaga ni Josh ang cellphone nito,” salaysay ni Fortes tungkol sa sitwasyon ni Josh.
Read: Josh Ford, lone survivor sa car accident na kumitil sa buhay ni Andrei Sison
Sa video na kuha ng Angkas driver at vlogger na si Boying Lakwatsero, makikitang lumabas si Josh mula sa sasakyan na bumangga sa pader at inalalayan siya habang naglalakad papunta sa ambulansiya na nagdala sa kanya sa ospital.
Sa panayam ng Cabinet Files kay Boying noong Sabado, March 25, sinabi nitong sinadya niyang kunan ng video ang naganap na aksidente para malaman ng pamilya ng mga biktima ang mga tunay na nangyari.