Sa kauna-unahang pagkakataon ay ipinagtapat ni Ina Raymundo na biktima siya noon ng exploitation.
Sa panayam sa kanya ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules ng hapon, March 29, 2023, sinabi ng aktres na napilitan lamang siyang gawin ang mga mapapangahas na eksena sa pelikula na labag sa kanyang kalooban.
Lahad ni Ina, “Kung maibabalik ko lang, ayokong gawin yon kasi sa totoo lang… ayokong pag-usapan ito, but na-force ako. Na-exploit talaga ako.
“May movie akong ginawa na ang usapan, ano lang, breast exposure. Tapos ang ending sa movie, they wanted more.”
Naging maingat si Ina dahil hindi nito binanggit ang pamagat ng pelikula na kanyang ginawa, pinagsisihan, at itinuring na madilim na bahagi ng buhay niya.
Saad niya, “Parang dark moment yung time na yon. Buti na lang, kumita yung pelikula, which was in a way parang na-vindicate ako.
“I don’t even wanna mention kung sinong nang-api sa akin noon but, yay… Parang they treated me like a child na sinisigaw-sigawan dahil ayokong gawin yung eksena.
“Meron pang pananakot na isu-sue ako. Pero kung tutuusin, that was just a bluff because wala naman kaming written na usapan na mag-o-all out ako.
“Ibinaon ko na yon, pero since you asked me, that was a dark moment.
"But, thank God, I’m healed. But at that time, I was not okay,” rebelasyon ni Ina.
Kabilang sa mga ginawang sexy movies ni Ina ay Sabado Nights (1996), Sobra-sobra Labis-labis (1996), Burlesk Queen Ngayon (1999), Shame (2000), at Madame X (2000).
Sa kabila ng mapait na karanasan, nagpapasalamat si Ina dahil hindi naranasan ng kanyang mga anak ang pinagdaanan niya.
Naikuwento ni Ina sa kanyang anak na si Erika Poturnak ang nangyari noon, at "triggered" nang husto ang panganay niya.
Saad niya, “I’m so thankful, lagi kong sinasabi, I’m so thankful because I’m such a grateful person talaga 24/7, na yung mga anak ko, hindi nila pinagdaanan yon or pagdadaanan yon.
"Yun ang talagang masaya na ako sa ganoon.
“I told them, I told Erika, and siya pa yung nagsabi, ‘You should sue them. You should still bring it up and make them pay for it for what they did to you.’
“Sabi ko, 'No, no, no.' That’s not how you do it because, siyempre yung mga yon, may family.
"Ayoko lang talaga ng gulo. I don’t like controversy.
"And I’m sure, right now, mapag-uusapan ito. But first and last time ko na pag-uusapan yon about it because ikaw [Boy] yung kausap ko and you’re special to me.
"Pero never ko yang biniring up sa kahit na anong interbyu sa akin na na-exploit talaga ako sa past movies ko."