Ang Wowowin World Tour ang pagkakaabalahan ni Willie Revillame habang hindi pa siya bumabalik sa telebisyon.
Itro ay matapos niyang ipa-terminate ang kanyang exclusive contract sa ALLTV Network, ang TV station ng Advanced Media Broadcasting System (AMBS) na pag-aari ni former Senate President at richest man in the Philippines na si Manny Villar.
Read: Willie Revillame reaches agreement to terminate contract with AMBS
Minabuti ni Willie na mapawalang-bisa ang kontrata na napagkasunduan nila ng management ng ALLTV dahil hindi niya umano maatim na tumatanggap pa rin siya ng talent fee kahit pansamantalang hindi umeere ang kanyang public service at game show.
Hindi pa nagsasalita si Willie tungkol sa kanyang mga susunod na hakbang, pero sigurado na ang Wowowin World Tour niya na magsisimula sa June 2023.
Ang Wowowin World Tour ang partnership sa pagitan ni Willie at ni Boss Vic del Rosario ng Viva Communications Inc.
Ang USA, UAE, at Hong Kong ang ilan sa mga bansang pupuntahan ni Willie para makapiling nito ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nais niyang personal na pasalamatan.
Popular ang Wowowin sa mga OFW na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa dahil sila ang masisigasig na nanonood sa live streaming sa Facebook at YouTube channels ng programa ni Willie kaya kahit malalayo sa Pilipinas, nabibigyan sila ng pagkakataong sumali, tumawag, at manalo sa "Tutok to Win" segment.
Gusto ni Willie na makapiling ang mga OFW para mapasaya, matulungan, at mabigyan ng pag-asa dahil alam niya ang mental at emotional effects ng coronavirus pandemic sa mga kababayan nating matagal na hindi nakauwi sa Pilipinas at ang pagsubaybay sa Wowowin ang isa sa mga naging libangan para mabawasan ang kalungkutang nararamdaman.
Bago pa nabuo ang plano na magkaroonng world tour ang Wowowin, nakatanggap na si Willie ng sulat ng pasasalamat mula kay Vice President Sara Duterte dahil sa mga tulong at pagpapasaya na ginagawa niya para sa mga OFW.