Pinatunayan ng nag-iisang eight-division world champion na si Manny Pacquiao na relevant o makabuluhan pa rin siya sa mundo ng boksing sa kabila ng kanyang pagreretiro noong September 2021.
Pinagkaguluhan siya ng fans at ng international sports media nang panoorin niya ang laban nina Gervonta "Tank" Davis at Ryan Garcia sa T-Mobile Arena, Las Vegas, Nevada, USA, noong April 22, 2023.
Kasama ni Pacquiao na nanood ng Davis-Garcia boxing match ang misis niyang si Jinkee.
Naging mainit ang pagtanggap sa kanila ng boxing fans.
Ang pagsuporta ni Pacquiao sa laban nina Davis at Garcia ang unang pagkakataon ng kanyang pagbalik sa T-Mobile Arena matapos siyang talunin ng Cuban boxer na si Yordenis Ugás sa kanilang welterweight professional boxing match na ginanap din sa naturang lugar noong August 21, 2021.
Si Pacquiao ang boksingerong iniidolo ni Garcia kaya tuwang-tuwa ito nang personal siyang puntahan ng Pambansang Kamao sa kanyang locker room.
Binisita rin ni Pacquiao si Davis sa locker room nito bago nagsimula ang laban nila ni Garcia, na nabigong matalo ang katunggali.
Dahil relevant pa rin siya sa boxing world, ang opinyon ni Pacquiao tungkol sa pagkatalo ni Garcia ang itinanong sa kanya ng international sports press na galak na galak na muling makita nang personal ang Philippine Pride.
Pahayag ni Pacquiao, “It’s a good fight, but maybe more development for Ryan Garcia, he is still young.
"He should strengthen his body, also learn more techniques, that’s what he needs. He has the skill of boxing but he needs to improve on it."
Nagpahiwatig ang Pinoy boxer sa mga kausap niya tungkol sa pinaplanong exhibition boxing match na posibleng idaos sa July 2023.
Nagtagpo sa T-Mobile Arena si Pacquiao, ang American television host na si Mario Lopez at Hollywood actor Mark Wahlberg kaya nagsilbing reunion nila ang Davis-Garcia fight.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na si Pacquiao ang isa sa mga boksingerong hinahangaan ni Wahlberg.
Nagkaroon din ng pagkakataon si Pacquiao na makahalubilo sa naganap na laban nina Davis at Garcia ang former world boxing champions na nauna sa kanya pero nahigitan niya ang achievements—sina Sugar Ray Leonard at Mike Tyson.