Hindi lamang ang pilot telecast ng Voltes V: Legacy noong Lunes, May 8, 2023, ang maingay sa social media.
Pinag-uusapan din ang mahusay na pag-awit ni Julie Anne San Jose sa "Voltes V No Uta," ang theme song ng sikat na Japanese animé series na unang ipinalabas sa Pilipinas at napanood sa GMA-7 noong 1978.
Ang Voltes V ay mayroong 40 kabanata at natunghayan sa ANN (TV Asahi) sa Japan mula June 4, 1977 hanggang March 25, 1978.
Sa aming palagay, kung hindi man nahigitan ay napantayan ni Julie Anne ang original version ng "Voltes V No Uta," na inawit ng Japanese singer-actress na si Mitsuko Horie.
Nineteen years old lamang si Mitsuko nang i-record nito ang theme song ng Voltes V.
Memoryadong-memoryado ni Julie Anne ang lyrics ng "Voltes V No Uta" at talagang inangkin niya ang kantang pinasikat ni Mitsuko.
Posibleng mapagkamalan ng kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan na si Julie Anne ang original singer ng theme song na kilalang-kilala ng mga batang ’70, na bumalik ang mga alaala ng nakaraan dahil sa Voltes V: Legacy.
Read: 'Voltes V' vs 'Batang Quiapo': ano ang panalo sa TV ratings at sa YouTube views?
Ang pulidong bersiyon ni Julie Anne sa "Voltes V No Uta" ang dahilan kaya hinanap ng Voltes V: Legacy fans sa YouTube ang 43-year-old "Voltes V No Uta" music video ni Mitsuko.
Hindi sila nabigo.
Ito ang ilan sa mga komentong mababasa sa YouTube:
"Napunta ako dito dahil sa Voltes V Legacy theme song na kinanta ni Julie Anne. Ganda din talaga. Nostalgic."
“Glad I found this. Thanks to Julie Anne San Jose"
"This song never gets old."
"Both versions are powerful."
"Can’t wait to see her and Julie Anne singing Voltes V song in one stage.Make it happen GMA!"
"Ako lang ba ang na-LSS sa kantang ito? Super catchy talaga lalo na yung version ni Julie Anne. Lalo akong na-in love sa kanta. Twenty-one years old pa lang ako pero feeling ko I was born in the ‘80s."
Sa tulong ng social media, tiyak na makararating kay Mitsuko ang mga nakakataba ng pusong papuri sa original version niya at cover version ni Julie Anne sa theme song ng Voltes V.
Sixty-six years old na ngayon si Mitsuko na isang aktres sa Japan, pero higit siyang nakilala sa kanilang bansa sa pagkanta ng mga animé theme song mula pa noong labindalawang taong gulang siya.

Mitsuko Harie then and now
Aktibo pa rin si Mitsuko sa Japanese entertainment industry.
Madalas siyang maimbitahang magtanghal para sa mga animé song concert dahil mahigit tatlumpong (30) animé theme songs ang inawit niya para sa iba’t ibang mga animé series sa kanyang bansa.