Pinuri ang pag-arte ni Joshua Garcia sa Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan, ang pelikula ng Regal Entertainment, Inc. na nagkaroon ng red-carpet premiere sa Gateway Cineplex sa Cubao, Quezon City, noong Huwebes ng gabi, May 11, 2023.
Maipagmamalaki ni Joshua ang proyektong ginawa niya noong panahon ng coronavirus pandemic dahil bukod sa siya ang nag-iisang bida, lumitaw ang kanyang husay sa pag-arte, sa tulong ng award-winning filmmaker na si Chito Roño.
Read: Joshua Garcia, bida sa comeback movie ni Direk Chito Roño
Sabi ng Kapamilya actor, “It’s my first solo movie, lead ako with Regal. Gusto ko lang din silang makatrabaho. Gusto kong ma-experience na magtrabaho din sa kanila.
“First ko rin ito kay Direk Chito and masaya na ako. In-enjoy ko lang ang proseso ng karera ko.
"Kung anuman ang mangyari then I’m just happy. Kung ano yung proyekto na nakahain, gagawin ko yan.
"Hindi naman ako maano [mapili] sa proyekto. I’m really honored na makatrabaho si Direk Chito and Miss Roselle [Monteverde, Regal executive producer] sa Regal."
Nakausap ng reporters si Joshua sa press conference na nangyari pagkatapos ng screening ng Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan, na mapapanood sa Prime Video simula sa May 18.
Ang 85-year-old veteran actress na si Angie Ferro ang gumanap na Mama Susan sa pelikula, at hangang-hanga sa kanya si Joshua dahil nagawa nitong mamemorya ang mahahabang linya sa kanilang mga eksena.
Saad ni Joshua, “Nakakabilib talaga si Ms. Angie dahil namememorya niya ang mga linya kahit mahahaba.
"Masaya ako na naka-work ko siya. It’s a different experience sa mga veteran actress na nakatrabaho ko.
“Hindi niya ako pinabayaan sa mga scene, kahit naka-focus siya sa mga eksena niya kasi ang haba ng lines niya.
"Kapag may eksena kami, yung lines niya, dalawang page. Hindi kami nahirapan sa kanya kasi kaya pa rin niya magmemorya."
Hindi nakadalo sa premiere night ng Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan si Angie dahil sa sitwasyon ng kanyang kalusugan.
Maraming beses nang napanood ni Roselle ang Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan pero ayon sa kanya, iba pa rin ang epekto ng pelikula nang mapanood niya sa wide screen.
“First time ko napanood sa wide screen but I’ve seen it a couple of times and it never bores me kasi parang there’s always something I discover.
“I don’t know kung pareho ang naramdaman ng the rest of the audience kasi it’s really gripping and nakakakilabot siya if you see what’s happening with our world right now, marami siyang sinabi ni Mama Susan,” sabi ni Roselle tungkol sa pelikula ni Joshua.

Joshua Garcia and Roselle Monteverde
Malakas makagulat ang mga eksena ng pelikula kaya nagsisigawan ang mga dumalo at nanood sa invitational screening na ginanap sa Gateway Cineplex.
Si Bob Ong ang may-akda ng Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan, ang mystery novel na isinulat niya noong 2010.
Napuna ni Direk Chito na napapanahon ang kuwento ng Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan sa mga kasalukuyang nangyayari sa buong mundo.
“Nakakagulat nga kasi yung ibang lines, if you think about it, it was written [more than] ten years ago, parang in-adapt lang ngayon [sa pelikula].
"Pero some of the lines [sa novel ni Bob Ong], parang na-predict niya ang mangyayari sa atin,” sabi ng batikang direktor.
Nilinaw ni Direk Chito na si Bob at hindi siya ang nagbago ng kuwento ng ending o katapusan ng isinalin sa pelikulang nobela.
“Siya ang nag-iba, hindi ako. Binago ko lang nang konti pero ending niya yon,” paliwanag ni Chito tungkol sa pinagdedebatehang pagtatapos ng pelikula na pinahahalagahan at ipinagmamalaki nang husto ni Joshua.