Sampung taon na ang nakalilipas mula nang magkita at magkasama sina Yassi Pressman at Ruru Madrid sa mga programa ng GMA-7.
Natutuwa ang dalawa dahil sila ang magkapareha sa Video City, ang romance-fantasy movie na mula sa panulat at direksiyon ni Raynier Brizuela.
Read: Yassi Pressman at Ruru Madrid, magtatambal sa pelikula
Hindi malilimutan ni Ruru si Yassi dahil ang aktres ang dance partner niya nang sumali siya sa Protégé: The Battle for the Big Artista Break, ang reality talent search competition ng Kapuso Network, noong 2012.
“I am very happy to work with Yassi again. She was my first ever dance partner when I was in Protégé and, ever since then, I really wanted to work with her.
“I am so excited to work with Yas,” sagot ni Ruru nang hingin namin ang kanyang reaksiyon tungkol sa pagsasama nila ni Yassi sa pelikula.
Sa naganap na story conference ng Video City ngayong Biyernes ng hapon, May 12, 2023, tiniyak ni Yassi na magiging komportable siya kay Ruru kapag nagsimula na ang shooting nila.
Nagkasama na kasi sila noon sa ilang mga programa ng GMA-7 gaya ng Party Pilipinas, Dormitoryo, at Sunday All Stars.
“That was ten years ago. Nung nakita ko po siya, ang tangkad na pala ni Ruru. Ang laki na pala ng katawan niya.
"So, it’s nice to see your friends and batchmates grow and it’s nice that we get to work with each other again,” sabi ni Yassi.
Video City ang pamagat ng pelikula na gagawin nina Yassi at Ruru dahil may kinalaman ang kuwento nito sa Video City, ang nangungunang video rental shop ng Viva Communications noong dekada ’90.
Isang aspiring director ang role ni Ruru, at aspiring actress naman ang karakter na gagampanan ni Yassi na nagtatrabaho sa Video City.
Base sa salaysay ni Direk Raynier, halaw sa kanyang tunay na karanasan ang bahagi ng kuwento ng pelikulang gagawin nila.
“Sobrang passionate ako about this story kasi bilang filmmaker, dito [Video City] ako nagsimulang magkaroon ng idea about it.
“Noong bata ako, hindi naman ako pinapayagan kaagad manood ng sine na mag-isa pero dahil sa Video City, malapit lang siya sa amin, palagi akong tumatambay doon.
“Isang romance film ang Video City na may slight fantasy. It’s a throwback, nostalgic film.
“Yung mga karakter nina Ruru at Yassi, parehong naghahanap ng spark to inspire yung isa’t isa para ma-reach yung goals nila, kaya lang, magkaiba sila ng panahon.
“At paano sila magtatagpo? Siyempre through Video City dahil magta-time travel si Ruru [2023] sa panahon ni Yassi na 1995,” sabi ni Direk Raynier.
Parehong naabutan nina Yassi at Ruru ang Video City pero maliliit na mga bata pa sila noon.
Natatandaan ni Yassi na kasama niya ang kanyang ama sa tuwing umaarkila ito ng mga VHS at CD mula sa Video City.
Hindi naman nakakaligtaan ni Ruru na mga pelikula ni Robin Padilla ang nirerentahan niya noon sa video shop na isang alaala na lamang.
Kuwento ng Kapuso actor, “The first time na nakita ko si Senator Robin Padilla, e, talagang hindi ako nakagalaw sa kinatatayuan ko. Natulala ako.
"Yun pala ang pakiramdam na kahit na tao siya, pakiramdam ko hindi siya tao dahil ganoon ako na-starstruck sa kanya."
Anak ni Baby Ama at Maging Sino Ka Man ang ilan sa mga pelikula ni Robin na paulit-ulit at madalas inaarkila ni Ruru mula sa Video City.