Video City ang working title ng pelikulang pagsasamahan nina Yassi Pressman at Ruru Madrid. Co-production venture ito ng Viva Films at GMA Pictures.
Magkakaroon ng story conference para sa Video City kung saan haharap sina Yassi at Ruru sa entertainment press para magkuwento tungkol sa unang pelikulang pagtatambalan nila.
Si Raynier Brizuela ang direktor ng Video City.
Siya ang namahala sa Mang Jose, ang superhero comedy movie ni Janno Gibbs na napanood sa Vivamax noong November 2021. Unang ipinalabas ang pelikula noong July 2021 sa Bucheon International Fantastic Festival sa Bucheon, South Korea.
Ang Video City ang unang proyekto ni Yassi sa GMA Pictures, ang movie company ng GMA Network.
Noong nakaraang taon, napabalitang magbabalik si Yassi sa GMA-7 dahil sila nina Marco Gumabao at Ken Chan ang magbibida sa TV remake ng Saan Nagtatago ang Pag-Ibig?, ang 1987 blockbuster drama movie ng Viva Films na pinangunahan nina Vilma Santos, Ricky Davao, at Tonton Gutierrez.
Pero ipinagpaliban muna ang proyekto.
Read: Yassi Pressman, Ken Chan, Marco Gumabao headline Saan Nagtatago ang Pag-ibig? series
Hindi naman nawalan ng TV assignment sina Yassi at Marco dahil sila ang mga bida sa Kurdapya, ang sitcom ng TV5 at Viva Television na napapanood tuwing Sabado ng gabi.
Read: Tambalan nina Yassi Pressman at Marco Gumabao, natuloy na sa wakas pagkatapos ng mga aberya
Kahit hindi pa natutuloy ang television remake ng Saan Nagtatago ang Pag-Ibig?, sigurado na ang paggawa ni Yassi ng pelikula sa movie company ng GMA Network, na dating home studio niya bago siya lumipat sa Viva Artists Agency noong 2013.