Kabilang sina Manilyn Reynes at Marco Gallo sa mga showbiz personality na hindi pabor sa naging pahayag ni Liza Soberano sa isang interbyu na, “In the Philippines, the only way to become a big star really — if you're not a singer, you're an actor — is to be in a love team."
Para kay Manilyn, na ipinagdiriwang ngayong 2023 ang ika-40 anibesaryo ng kanyang showbiz career, magagawa ng isang artista na sumikat nang walang loveteam partner.
“Disagree!” pahayag ni Manilyn nang tanungin siya ni Boy Abunda sa kanyang pagbisita sa Fast Talk with Boy Abunda ngayong Miyerkules ng hapon, May 17, tungkol sa kontrobersiyal na deklarasyon ni Liza.
“Certainly, kaya mong gawin yan on your own. You always go back to ano yung talent na ibinigay sa yo.
“Hindi ko sinasabi na hindi mo kailangan ng ka-love team. Somewhere, sometimes, somehow, kailangan meron ka rin ka-love team, lalo na kapag growing up, mga teeny, teenager ka.
“Pero of course you can do it on your own. Ipakita mo what you’ve got.
“Huwag half-baked. Kasi sa totoo lang, ang hirap ng half-baked ang ginawa mo.”
Alam ni Manilyn ang kanyang sinasabi dahil naranasan niya noong maging loveteam partner nina Janno Gibbs, Ogie Alcasid, at Keempee de Leon.
Binansagan noong dekada '80 bilang "The Star of the New Decade," si Manilyn ang isa sa pinakasikat na young actress noong kapanahunan niya.
Bago pa man siya binigyan ng loveteam partner ng Regal Films, napansin agad siya sa entertainment industry dahil sa kanyang husay sa pagkanta at pag-arte.
Para naman sa Viva actor na si Marco Gallo, may ibang paraang upang sumikat nang walang ka-love team.
"There’s other ways, you know, you can show your butt… No, I am kidding," nagbibirong sagot ni Marco nang makausap siya ng entertainment writers sa thanksgiving media conference ng The Rain in España, ang Viva One series na pinangungunahan nila ni Heaven Peralejo.
Dagdag niya, "It depends for everyone. It’s working out for us."
Pinag-usapan nang husto si Marco noong October 2021 dahil sa kanyang butt exposure sa pelikulang Ang Manananggal na Nahahati ang Puso.
Read: Marco Gallo, protektado sa butt exposure niya sa pelikula