Pinabulaanan ng mga kasamahan ni Buboy Villar sa Eat Bulaga! ang kumakalat na balitang magpapaalam na siya sa GMA-7 noontime program dahil sa insidenteng nangyari sa segment na "Ang Pinaka" noong nakaraang linggo.
Nagkaroon ng isyu ang pagsali at pagwawagi ng isang contestant sa "Ang Pinaka" dahil nakilala siya ng ilang manonood bilang tauhan ni Buboy sa negosyo nitong paresan.
Dahil dito, pnaratangan ng pandaraya ang komedyante at may mga nagkomentong "scripted" ang segment ng Eat Bulaga!.
Umani ng mga batikos si Buboy at ang Eat Bulaga!, pero pinagwalang-bahala lamang nila ang mga negatibong komento mula sa netizens na nananatiling tapat kina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.
Itinanggi ng staff ng Eat Bulaga! at ng isang malapit kay Buboy ang balitang magpapaalam na ito mula sa kanilang programa.
Anila, "fake news" ang mga haka-haka.
Matibay na ebidensiya nito ang partisipasyon ni Buboy sa live telecast ng Eat Bulaga! ngayong Martes ng tanghali, June 13, 2023.

Bukod sa GMA-7, napapanood na rin ang Eat Bulaga! sa Facebook dahil may sarili nang Facebook page ang TAPE Inc., ang Eat Bulaga Na!. Meron na itong 14,000 subscribers at patuloy na nadaragdagan ang bilang.

Nagbukas ng bagong Facebook page ang TAPE Inc. dahil hindi na nito nagamit ang original Facebook page ng Eat Bulaga! na may 20 million followers.
Ayon nga kay former Senator Tito Sotto, sila ang may-ari ng nabanggit na account na dinala nila sa kanilang pag-alis mula sa TAPE Inc. noong May 31, 2023.
