Naganap ang sashing ceremony at press conference para sa mga opisyal na kandidata sa Miss Grand Philippines 2023 sa Crowne Plaza Manila Galleria Hotel sa Pasig City, noong Martes, June 20, 2023.
Kabilang sa mga kandidata ang Kapuso comedienne at Binbining Pilipinas 2022 first runner-up na si Herlene Budol.
Read: Herlene Budol pinupuntiryang makuha ang Miss Grand Philippines crown
Gaya ng dapat asahan, pinag-uusapan si Herlene dahil sa mga sagot nitong ikinaaliw ng mga tagahanga niya, pero ikinabahala ng nakararami na hindi natutuwa dahil lagpas na sa limitasyon ang kanyang pagpapakatotoo.
Nang sumali si Herlene sa 55th Binibining Pilipinas noong nakaraang taon, napamahal siya sa publiko dahil sa kanyang authenticity at “what-you-see-is-what-you-get” attitude.
Pangarap ni Herlene na maging kinatawan ng Pilipinas sa 11th Miss Grand International na mangyayari ang koronasyon sa Ho Chi Minh City, Vietnam, sa October 25, 2023.
Kung talagang desidido siyang manalo sa Miss Grand Philippines 2023, na magaganap naman sa Mall of Asia Arena sa July 13, 2023, dapat baguhin niya ang kanyang strategy para mapigilan ang pagkaumay o ang “Herlene fatigue” na dahan-dahan nang nararamdaman ng mga sumusubaybay sa beauty-pageant journey ng lead actress ng Magandang Dilag.
Hindi na nakakatuwa ang paraan ng kanyang pagsagot dahil masyado nang sinasagad ng dalaga ang mga suwerteng dumarating sa buhay niya.
Ito ang bahagi ng transcription ng mga pahayag ni Herlene sa ginanap na media conference ng Miss Grand Philippines 2023:
Interviewer: “Just checked the list of the candidates this year in Miss Grand International Philippines and your name is the only one that is hyperlinked, meaning you’re famous enough to be in the Wikipedia and you have millions of followers.
“I had the opportunity to meet and interviewed Mr. Nawat [Itsaragrisil, Miss Grand International president] last year and I know he loves someone who’s got a big social media following. Apart from your big social media following, what else have you got in order to win the crown?”
Herlene: “Thank you for that looong question for me… chariz.. I have a big followers because I have a big heart… O English yon, ha? Nakapag-compose po ako kaagad. Ano nga uli yung tanong?”
(Isinalin sa Tagalog ng babae ang kanyang tanong para maunawaan ito ni Herlene.)
Herlene: “I think this is the right time. Last year, siguro hindi ko po oras. Ang sabi nga ng adbokasiya ng Miss Grand is… ano ba yon? World peace and what else again? Stop the war and peace.
“Since I was young... ah ang sarap mag-English... ummm naranasan ko pong ma-bully sa eskuwelahan, mabugbog sa tahanan, at dumayo sa ibang bansa… natutukan ng tatlong baril… talagang armalite at naging isang dayuhan. Para sa akin, ang solid ng experience na yon. In my own experience, ayokong maranasan ng iba yon.
"At bilang isang Miss Grand, sisimulan ko sa aking experience na ipalaganap sa ibang tao na huwag matakot. Kahit anong pinagdaanan ng mga taong laging nakangiti, may katuturan yon at ikaw yung magiging lakas ng ibang tao para maging lakas.
“Hindi ko ma-explain pero naka-experience ko po talagang ma-bully. Ayoko po ng away. I’m from broken family. Mag-i-start po yan sa ating tahanan at magsisimula po tayo sa maliit na problema. Kapag naumpisahan po natin sa ating tahanan na maging world peace and for the love love lang ang mga person, I think, good example yon para ipalaganap sa kung kalahatan."
Nang may tumunog na cell phone habang nagsasalita siya, ito naman ang banat ni Herlene: “Pakisagot po nung tumatawag.”
Idinaan ni Herlene sa pagpapatawa ang sagot niya sa tanong, pero tila wala ito sa hulog kaya tumanggap ng batikos mula sa netizens na hindi natuwa sa inasal niya.



Truly, dapat nang baguhin ni Herlene ang strategy nito sa pagsali sa Miss Grand Philippines 203 para maagapan ang nagbabadyang pagkasawa ng mga tao dahil sa uncalled for o wala sa lugar na pagpapatawa at ang kanyang gasgas nang katuwirang nagpapakatotoo lamang siya. Maaaring ito ang maging dahilan para hindi niya makamit ang pinakamimithing korona.
May dapat magpaalaala kay Herlene na puwedeng-puwede magpakatotoo na hindi kailangang paglaruan ang sarili at ang sensibilidad ng mga tao.