“Ganoon ba yon, sapawan?”
Ito ang pabiro at nagtatakang tanong ni TV5 Chairman Manny V. Pangilinan o MVP sa mga executive ng ABS-CBN Corporation sa contract signing nila na nangyari nitong Miyerkules ng umaga, June 28, 2023.
Ang contract signing ng magkabilang panig ay para sa limang taong content agreement sa pagitan ng Kapamilya Network at ng MQuest Ventures ng TV5.
Nag-umpisa ang pagtataka ni MVP nang tanungin niya si ABS-CBN COO for Broadcast Cory Vidanes tungkol sa pagiging seryoso nito bago naganap ang pagpirma nila ng kontrata.
“It’s too early,” sagot ni Vidanes.
Umayon si Pangilinan sa sinabi niya.
Aniya, “I agree. It’s a holiday. Why are we signing at 11? What’s the rush?"
Nakatakda raw kasing pumunta sa Mindanao si MVP bukas, June 29.
Pero pabiro niyang hirit, "But you know, we could have signed 4 or 5 p.m., after the 3 p.m. signing... Ganoon ba yon, sapawan?"
Ang tinutukoy ni MVP na "3 p.m. signing" ay sa pagitan naman ng ABS-CBN at GTV, ang subsidiary network ng GMA-7, na magaganap sa Seda Hotel Vertis North ngayong Miyerkules ng hapon, June 28.
Ang GTV ang bagong tahanan ng Kapamilya noontime show na It’s Showtime simula sa July 1.
Dating napapanood ang It’s Showtime sa noontime slot ng TV5, pero hanggang June 30, 2023, na lamang ang kontrata ng programa sa Kapatid Network.
Hndi na ito ni-renew dahil mag-uumpisa na sa July 1 ang bagong noontime show na pangungunahan nina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon, at ng legit Dabarkads na tumiwalag mula sa TAPE Inc. noong May 31, 2023.
Read: MVP on choosing between It’s Showtime and TVJ: “It was just a purely business decision.”
Ang partnership ng ABS-CBN at ng MQuest Ventures ng TV5 para sa mga content na gagawin ng Kapamilya Network at mapapanood sa Kapatid Channel ang patunay na maayos pa rin ang pagsasama ng dalawang panig sa kabila ng pagkawala ng It’s Showtime.
Bukod kina MVP at Vidanes, ang iba pang dumalo sa early contract signing ay sina Martin "Mark" Lopez, Chairman ng ABS-CBN Corporation; Carlo Katigbak, President and CEO of ABS-CBN; Guido Zaballero, TV5 President and CEO; at Jane Basas, President and CEO of Mediaquest.
Inihayag ni Lopez ang kasiyahang nararamdaman niya dahil sa pagpapatuloy ng partnership ng kanilang kompanya sa TV5 bilang content provider.
Pahayag niya, “We’re very happy to sign this new agreement for the next five years. I think this is a partnership which we’ve been very happy with and I think there are lot of opportunities that we can do together.
“Tuluy-tuloy lang. I think we have a lot of programs in store for our audience. It’s moving forward so tuluy-tuloy yan. We’ll make sure that we create the right content for everyone.
“I think that’s something we’re very happy and proud of, to be partners with TV5. For us, it’s a way really to solidify what we wanna do as both organizations.
“We just wanna thank TV5 also for giving us this opportunity of airing It’s Showtime for the past year and we’d like to thank them for accommodating us and we wish TV5 all the best with the entry of TVJ [Tito, Vic & Joey] to the noontime show.”
LANDMARK PARTENRSHIP DEAL
Noong 2022 ay naudlot ang "landmark partnership deal" sa pagitan ng TV5 at ABS-CBN dahil sa pagharang ng National Telecommunications Commission (NTC).
Sa kasunduang iyon, nakatakda sanang bumili ang ABS-CBN ng 34.99 percent shares ng TV5 sa halagang PHP2.16 billion. Nakasaad din doong maaaring bumili ang ABS-CBN ng hanggang 50 percent shares pagkalipas ng walong taon.
Ayon sa official statement ng ABS-CBN, pormal na winakasan nila ng TV5 ang kanilang kasunduan sa disclosure nila sa Philippine Stock Exchange (PSE) at Securities Exchange Commission (SEC)..
Pati ang nakatakda sanang pagbili ng Cignal TV ng 38.88 percent shares ng Sky Cable Corporation ay hindi na rin tuloy.
Base ito sa hiwalay na termination of Memorandum of Agreement na isinumite ng mga naturang kumpanya sa PSE at SEC.
Ang Cignal Cable ay content provider ng TV5 at subsidiary ng MediaQuest Holdings Inc., na siya ring may-ari ng TV5.
Ang Sky Cable ay pay television at broadband arm ng ABS-CBN.
Nakunan pa ng litrato ang pag-shake hands ni Media Quest Chairman Manny V. Pangilinan kina ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak at Chairman Mark Lopez sa headquarters ng TV5 sa Mandaluyong City noong August 10.
Sinabi noon ni Pangilinan na malaki sana ang ambag ng ABS-CBN para mas makapagbigay ng dekalidad na mga programa para sa mga Pilipinong manonood.
Positibo rin siyang mas mapapalakas ang SkyCable sa investment dito ng MediaQuest.
Malaking karangalan daw para sa ABS-CBN ang tiwala at suporta ni Pangilinan.
Pero noong August 25, 2022, naiulat na nahinto ang transaksyon ng ABS-CBN at TV5 upang suriin at sagutin ang ipinukol na isyu sa kanila ng NTC.