Nakunan ng video ang pakikipagrambulan ng Kapamilya artist na si Awra Briguela at ilang mga kaibigan niya sa ilang kalalakihan sa harap ng The Bolthole Bar sa Poblacion, Makati City, nitong Huwebes ng madaling-araw, June 29, 2023.
Malinaw na makikita sa video, na kaagad nag-viral, ang pisikal na pagsasakitan ng mga nag-aaway habang nagsisigawan ang mga tao sa paligid. May eksenang nadapa si Awra sa kalsada dahil sa pagsali niya sa nagaganap na bakbakan.
Nakontrol lamang ang kaguluhan nang dumating at umawat ang mga miyembro ng Makati City Police.
Nakunan din ng video ang paglalagay ng mga awtoridad ng posas kay Awra, na nagpupumiglas habang pilit na isinasakay siya sa police vehicle.
Hindi pa tapos ang imbestigasyon kay Awra at sa mga taong nakaaway niya, ayon kay Police Senior Master Sergeant Gawad ng Investigation Section ng Makati City Police na nakausap ng Cabinet Files ngayong hapon.
Sinabi ni Gawad na ongoing pa ang processing sa kasong kinasasangkutan ni Awra kaya nananatili pa rin ito sa police headquarters mula pa kaninang umaga.
“Allegedly, involved sa gulo” ang dahilan ng imbestigasyon kay Awra dahil sa reklamo ng mga nakaalitan niya.