Ang A Mother And Son's Story na balak isali sa 49th edition ng Metro Manila Film Festival sa December 2023 ang reunion movie nina Tonton Gutierrez at Sharon Cuneta.
Nang makausap si Tonton ng Cabinet Files, hindi na niya matandaan ang huling pelikula na ginawa nila ni Sharon pero nakalagay sa IMDB.com na ang 1994 film na Kapantay Ay Langit ang kanilang huling proyekto na magkasama.

Ikinuwento ni Tonton na dalawang araw na kinunan ang kanyang mga eksena sa A Mother And Son's Story dahil guest role lamang ang partisipasyon niya bilang love interest ng karakter ni Sharon.
“After so many years of not working together, it’s a good experience again to be working with her although guest lang ako sa movie.

“Even Sharon couldn’t remember the last movie that we did together," kuwento ni Tonton na walang nakitang pagbabago sa ugali ng aktres na naging ka-love team niya noong dekada ’80.
“Ganoon pa rin, the same old Sharon na very bubbly, talkative, tsika nang tsika sa lahat.
“Matagal na rin kaming hindi nagkita. I think we saw each other in one occasion but that was years ago, birthday party of someone.
“Nakakatawa. We’re having this scene together 'tapos sabi niya, ‘Thirty years tapos ganito pa rin ang mga eksena natin.'
“Yung parang nagde-date. Yung mga eksenang may konting drama. 'Thirty years ko nang ginagawa ito.'” sabi pa raw ni Sharon.
Unang nagtambal ang dalawa sa 1986 movie na Sana’y Wala Nang Wakas at ito ang itinuturing ni Tonton na proyekto nila ni Sharon na hindi niya malilimutan.

“Everything was new to me. Bago ako sa industriya, bago ko silang mga kakilala so everything was memorable while making that film.
“Ang dami kong kapalpakan with acting. Ang dami nilang itinuturo sa akin,” ang pagbabalik-alaala ni Tonton tungkol sa Sana’y Wala Nang Wakas na mula sa direksyon ng actor/director na si Leroy Salvador.

Nagkaroon ang Cabinet Files ng pagkakataon na makausap si Tonton sa Swing for Sustainabilty, ang inaugural Union Solar Golf Tournament ng PHINMA Solar na idinaos noong June 29, 2023 sa WackWack Golf & Country Club sa Mandaluyong City.
Kasama ni Tonton na naglaro ang kanyang asawa na si Glydel Mercado na golf enthusiast din na kagaya niya.
Ang Kapuso Foundation ng GMA Network Inc. ang beneficiary ng Swing for Sustainability golf tournament.