Ang mga love team nina Angelic Guzman-PJ Rosario at Ashtine Olviga-Tomas Rodriguez ang dalawa sa mga ipinakikilala sa The Ship Show, ang pelikulang pinangungunahan nina Heaven Peralejo at Marco Gallo.
Mula sa direksiyon ni Jason Paul Laxamana, ipalalabas ang The Ship Show sa mga sinehan sa August 9, 2023.
Sumali si Angelic sa Season 7 ng StarStruck, at ang Working Boys 2 ng Viva Films ang kanyang unang movie project.
Kapareha ni Angelic sa Working Boys 2 ang kanyang boyfriend na si Vitto Marquez, na hindi kasali sa cast ng The Ship Show pero dumating sa media conference ng pelikula para bigyan ng moral support ang girlfriend niya.
Ang reaksiyon ni Vitto ang pinagmasdan namin habang nagkukuwento si Angelic tungkol sa love team nila ni PJ at sa kanilang mga kissing scene sa pelikula.
Tila tanggap ni Vito ang pinasok ng kanyang girlfriend dahil poker-faced siya habang nagkukuwento si Angelic tungkol sa karakter na ginagampanan nito sa The Ship Show.
“We’re liberated sa movie, liberated couples. I think sobrang dali lang po working with PJ. Siya rin ang nagdadala sa akin when it comes to kissing scene.
“Madali siyang kausap. Very open siya to the point na he’s asking me kung ano ang limitations ko,” sabi ni Angelic.
Naniniwala si Angelica na makakatulong sa kanyang career ang isinusulong na love team nila ni PJ na hihinto muna sa paggawa ng sexy movies sa Vivamax.
Nang makausap namin noon si Vitto, sinabi niyang malaki ang naitulong sa kanya ni Angelic nang dumanas siya ng matinding depresyon sa panahon ng coronavirus pandemic.
Read: Vitto Marquez, todo suporta sa showbiz career ng GF na si Angelic Guzman
Miyembro ng boyband na Alamat si Tomas Rodriguez ,na walang kaugnayan sa aktor na si Tom Rodriguez.

Ashtine Olviga and Tomas Rodriguez
Si Laxamana ang mentor at discoverer ni Tomas na agaw-pansin sa media conference ng The Ship Show dahil sa kanyang kakaibang uri ng pananamit.
Gaya ni Angelic, produkto si Tomas ng reality show dahil sumali siya sa Pinoy Big Brother: 737 Teen Edition ng ABS-CBN noong 2015, gamit ang pangalan na Franco.
Malakas ang Daniel Padilla vibe ni Tomas na main vocalist at dancer ng Alamat.
Twenty five-years old na si Tomas pero nagpapakamalan pa rin siyang teenager dahil sa kanyang batambata na itsura.